ARESTADO ang dalawang itinuturing na high value individual sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Lucena City.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Mamay”, 53, at “Jaber”, 32-anyos.
Ayon sa pulisya, isinagawa ang operasyon bandang alas-4:40 ng hapon noong Martes, Mayo 5, sa Purok 5, Barangay Dalahican, Lucena City ng magkasanib na puwersa ng mga tauhan ng Lucena City Police Station at Quezon Maritime Police Station, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency.
Nasamsam sa mga suspek ang tinatayang 300 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na aabot sa P6.1 milyon.
Nakumpiska rin ang 11 kilo ng hinihinalang marijuana na may street value na tinatayang nasa P3.9 milyon.
Nasamsam din ang isang kalibre .38 na baril, digital weighing scale at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Ayon pa sa pulisya, kapwa may nauna nang kaso sa ilegal na droga ang dalawang suspek.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Lucena City Police ang mga naaresto at inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at illegal possession of firearms.
(NILOU DEL CARMEN)
167 