LEVISTE KINASUHAN NG DOE SA BIGONG POWER SERVICE

NAGSAMPA ng reklamo ang Department of Energy (DOE) sa Department of Justice (DOJ) laban sa Solar Para Sa Bayan Corporation (SPSB) na pag-aari ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste dahil umano sa kabiguang makapaghatid ng kuryente sa mga malalayong komunidad sa kabila ng legislative franchise nito mula pa noong 2019.

Sa reklamong inihain nitong Mayo 6, inirekomenda ng DOE ang pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal ng SPSB at Solar Para Sa Bayan Holdings Corp. (SPBHC) dahil sa umano’y paglabag sa Revised Public Service Act.

Kabilang sa mga respondent sina Antonio C. Legarda Sr., Benjie C. Legarda, Antonio B. Legarda Jr., Hazel Irish Pala Fuentes at Irma C. Flaminiano.

Nakasentro ang kaso sa Republic Act No. 11357 na nagbigay sa SPSB/SPBHC ng 25-year legislative franchise upang magtayo at mag-operate ng renewable energy microgrids sa mga malalayong lugar.

Ayon sa DOE, halos pitong taon na ang lumipas ngunit nabigo pa rin umano ang kumpanya na maisakatuparan ang operasyon ng prangkisa.

Wala rin umanong rekord na nakakuha ang SPSB/SPBHC ng kinakailangang permits upang legal na makapagbigay ng serbisyo sa mga target na komunidad.

Sa ilalim ng batas, awtomatikong mawawalan ng bisa ang franchise kung hindi tuloy-tuloy na makapag-ooperate sa loob ng dalawang taon.

Iginiit ng DOE na “sinadya at kusang-loob na pinabayaan, hindi ginawa, o kinaligtaan” ng mga opisyal ng SPSB/SPBHC ang kanilang obligasyon sa ilalim ng franchise.

Kapag napatunayang nagkasala, maaari umanong patawan ang mga respondent ng multang aabot sa P22 milyon at pagkakakulong ng anim hanggang 12 taon.

(JULIET PACOT)

48

Related posts

Leave a Comment