KINUMPIRMA ni Senate President Alan Peter Cayetano na wala na si Senador Ronald Bato dela Rosa sa Senado.
Ito ay dahil naniniwala si Bato na kahit safe siya sa Senado ay mas makabubuti para sa lahat ang pag-alis niya sa gusali.
Kinumpirma ni Cayetano na nag-text sa kanya ang asawa ni Bato na nagpapasalamat at humihingi ng paumanhin sa mga senador.
Umaasa anya ang asawa ni dela Rosa na hindi masasayang ang kanyang sakripisyo at mananatiling solido ang 13 senador na miyembro ngayon ng Senate Majority Bloc.
“I’d also like to ask for forgiveness for all the confusion and havoc it is created on the Senate. It is for this reason, I am sure that Ronald made his “escape”. He told me habang tumatagal kasi sya dyan sa loob ay nadadamay pa kayo. Alam naming hindi lulusubin ng NBI at CIDG at pulis at sino pang militar ang Senate kung wala sya sa loob kaya kahit na gaano sya ka-safe dyan ay mas nangibabaw pa rin sa kanya ang safety ng lahat,” bahagi ng text message ng asawa ni dela Rosa kay Cayetano.
Nilinaw anya ng asawa ni dela Rosa na sadyang wala sa kanilang plano ang paglabas nito sa Senado dahil ang huling usapan nila ay mananatili si Bato sa Senado.
“Wala sa plano but knowing him, I am sure he took the opportunity nung nagkaguluhan at nagkaputukan na,” dagdag pa sa text message.
‘Senate Was Under Attack’
Samantala, gigil na sinabi ni Cayetano na wala nang dapat kwestyon at malinaw na ‘under attack’ ang Senado nitong Miyerkoles ng gabi.
Iginiit ni Cayetano na nalagay sa panganib ang buhay ng lahat ng taong nasa loob ng Senado kagabi dahil sa mga armadong lalaki.
“Papasukin ko bahay mo na may baril ako, nag-warning shot ka, pinutukan kita pabalik is it not an attack? I’m sorry but I don’t think there’s any question the Senate is under attack, was under attack, all of you, your lives were in danger last night,” pahayag ni Cayetano.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Cayetano na may mga armadong lalaki sa kabilang bahagi ng gusali ng Senado na saklaw na ng GSIS na sinita at tinanong ng mga tauhan ng OSAA kung sino sila at sumigaw ng ‘NBI’.
Nag-warning shot anya ang OSAA na sinagot din ng warning shot ng kabilang panig kaya’t sunud-sunod na nagpaputok ng baril ang mga tauhan ng OSAA.
(DANG SAMSON-GARCIA)
54 