KAMPO NI BATO MULING NAGPASAKLOLO SA SC PARA SA TRO KASUNOD NG PUTUKAN SA SENADO

MULING humingi ng saklolo sa Supreme Court ang kampo ni Senador Ronald dela Rosa para sa pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO) upang mapigilan ang umano’y tangkang pag-aresto laban sa senador.

Layunin ng hinihiling na TRO na harangin ang pamahalaan sa pakikipag-ugnayan sa International Criminal Court kaugnay ng implementasyon ng warrant of arrest laban kay Senador dela Rosa.

Batay sa online post ni Atty. Israelito Torreon, naghain sila ng “Very Urgent Manifestation of Supervening Events with Reiterative Prayer” kaugnay ng kanilang petisyon para sa temporary restraining order.

Nakalakip sa mosyon ang detalye ng inilabas na press briefer ng Korte Suprema kung saan binigyan umano ng 72 oras o tatlong araw ang Malakanyang upang magsumite ng komento sa mga petisyon ni Senador dela Rosa.

Nakasulat din umano sa dokumento na “without prejudice” ang posibilidad na magpatupad ang hukuman ng interim o agarang hakbang kung kinakailangan.

Ipinaabot din ng kampo ni Senador dela Rosa sa Korte Suprema ang umano’y “supervening events” na naganap sa Senado nitong Miyerkules ng gabi, kabilang ang insidente ng putukan, na ayon sa kanila ay nagpapakita ng mas agarang pangangailangan para sa TRO, status quo ante order at iba pang injunctive reliefs upang mapigilan ang implementasyon ng ICC warrant of arrest.

(JULIET PACOT)

61

Related posts

Leave a Comment