TANOD, VENDOR PATAY SA PAMAMARIL

NASAWI ang isang 51-anyos na barangay tanod at isang babaeng vendor nang pagbabarilin ng isang hindi nakilalang lalaki ang barangay official ngunit nadamay ang huli sa Dasmariñas City, Cavite noong Lunes ng umaga.

Kapwa namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si alyas “Rody”, ng Barangay Sta. Cruz 1, Dasmariñas City; at alyas “Annalinda”, 48, ng Brgy. Bergado 1, Dasmariñas City.

Inilarawan naman ang suspek na tinatayang may taas na 5’2″, payat ang pangangatawan, nakasuot ng blue long sleeve shirt at itim na pantalon.

Ayon sa ulat, bandang alas-8:43 ng umaga nang mangyari ang pamamaril sa Barangay Emmanuel Bergado 1, Dasmariñas City.

Naglalakad ang biktima upang bumili ng pagkain nang sundan siya ng suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ito na nagresulta sa agarang kamatayan.

Nagtitinda naman ng pagkain si Annalinda sa nasabing lugar nang tamaan ng bala na nagresulta rin sa agaran nitong kamatayan.

Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek sa Area E sa nasabing lugar.

Nagsasagawa ang pulisya ng backtracking sa CCTV footage para sa posibleng dinaanan at pagkakakilanlan sa suspek habang iniimbestigahan kung may kaugnayan sa trabaho ng biktima ang pamamaril.

(SIGFRED ADSUARA)

91

Related posts

Leave a Comment