WALANG PLANO BUHAYIN SI BATO

Syanong Detektib Ni Papa S. Lucio

KUNG pagbabatayan ang mga tinuran kamakailan ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, dapat galingan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang pagtatago para makaiwas sa isang senaryo.

Ayon kay Matibag, armed and dangerous ang senador na target ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC). Sa isang banda, pwede naman totoo ang sinabi niya lalo pa’t dating pulis si Dela Rosa.

Pwede rin naman gamiting entablado ni Matibag ang pagiging retiradong pulis ni Dela Rosa para sa isang kapana-panabik na eksena tulad ng mga tagpo sa pelikula.

Nanlaban kaya pinutukan.

Ang totoo, hindi na bago ang ganyang estilo ng mga pulis sa madugong giyera kontra droga sa ilalim ng nakalipas na administrasyon. Katunayan, ‘yan mismo ang kinakaharap na kaso sa ICC ni Dela Rosa, at ng kanyang amo na mahigit isang taon nang nakakulong sa The Hague.

Para sa mga naulila ng madugong giyera kontra droga ni Duterte, mas nanaisin nila makita ang pagdurusa ni Dela Rosa sa loob ng piitan.

Ang masaklap, tila walang kakayahan ang mga pulis ni Interior and Local Government Sec. Jonvic Remulla. Dito na pumasok ang NBI sa eksena.

“It’s our standard protocol that if we’re doing search or locating a fugitive from justice, ang presumption namin lagi is armado ‘yan at delikado ‘yung magiging approach,” wika ni Matibag sa dinaluhang Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Kyusi.

Aniya, nakahanda ang ahensya sa anomang posibleng insidente sakaling manlaban ang pugante — “Lahat ng target of warrant, ang aming point of view, we will always be ready baka armado at lumaban ang ating subject.”

Bukod sa pagiging NBI Director, isang abogado si Matibag, tama ba? Batid niyang may karapatan ang bawat akusado. Hindi na rin bago sa kanya ang katagang intermediary o ang paggamit ng tao para magpalipad ng mensahe sa puganteng senador.

Ang akmang estratehiya — hikayatin ng intermediary si Bato para payapang sumuko upang maiwasan ang karahasan o pagdanak ng dugo.

Kung irarampa nila si Dela Rosa, ano pang pinag-iba nila sa mga pulis na pumatay sa mga walang kalaban-laban pero idineklarang nanlaban?

97

Related posts

Leave a Comment