P1-BILYONG AREGLO SA MISSING SABUNGEROS, IBINUNYAG

ISINIWALAT ng ilang pamilya ang umano’y tangkang P1-bilyong areglo kapalit ng pagbasura sa kaso kaugnay ng misteryosong pagkawala ng mga sabungero sa bansa.

Sa isang press conference, mariing itinanggi ng grupo na may kinalaman sila sa anomang negosasyon o pagtanggap ng pera mula sa kampo ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.

Sa halip, itinuro nila sina Dianne Loyola, Cha Lasco at Jaja Peralta bilang umano’y nasa likod ng pakikipag-usap para sa sinasabing areglo.

Ayon sa grupo, malapit umano ang mga ito kay Julie “Dondon” Patidongan.

Sinabi naman ni Ryan Bautista, isa sa mga kaanak ng missing sabungeros, na hindi na umano sila isinama sa mga pagpupulong at usapan kaugnay ng kaso ngunit sila pa ngayon ang pinagbibintangang tumanggap ng malaking halaga ng pera.

Nauna nang humarap sina Loyola at Cha Lasco sa National Police Commission (NAPOLCOM) kaugnay ng umano’y alok na pera mula kay Atty. Caroline Cruz, isa sa mga abogado ni Ang.

Sa mga naunang pahayag, inamin ni Cruz na nakipagkita siya sa grupo nina Loyola at nagbigay ng tig-P20,000 bilang personal na tulong ngunit itinanggi niyang P40,000 bawat isa ang ibinigay gaya ng alegasyon.

Samantala, mariing pinabulaanan ni Eloisa Bohol ang alegasyong tumatanggap umano sila ng buwanang P40,000 mula sa kampo ni Ang upang umatras sa kaso.

Inamin niyang nakatanggap siya ng P20,000 mula kay Cruz ngunit iginiit na simpleng ayuda lamang ito at hindi kabayaran upang manahimik o umatras sa reklamo.

Kaugnay nito, nanawagan si Aurelio Panaligan sa Department of Justice (DOJ) na paigtingin muli ang imbestigasyon at isama sa kaso sina Julie “Dondon” Patidongan at mga kapatid nitong sina Elakim at Jose Patidongan.

(PAOLO SANTOS)

112

Related posts

Leave a Comment