SINIMULAN na ng Philippine National Police (PNP) ang proseso ng pagbawi sa lisensya ng mahigit 100 baril ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ito ay matapos hilingin ng National Bureau of Investigation (NBI) na kanselahin ang lahat ng dokumento at gun privileges ng senador na kinokonsiderang “armed and dangerous” matapos umano itong mawala sa protective custody ng Senado.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kabilang sa mga target kanselahin ang lisensya ng matataas na kalibre ng baril, automatic rifles at shotgun na nakapangalan kay Dela Rosa.
Nauna nang sinabi ng Philippine National Police-Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) na inirekomenda na nila ang pagkansela sa firearms licenses ng senador.
“As early as last week, the FEO already conducted the motu proprio investigation or inquiry. We did not wait for the NBI’s request for the cancellation,” ayon kay FEO legal officer Lt. Col. Domer Tadeo.
Ipinaliwanag ni Tadeo na nakabatay ito sa Section 4(g) ng Republic Act No. 10591 o Firearms and Ammunition Regulation Law na nagsasabing hindi dapat nahaharap sa pending criminal case ang may hawak ng lisensya ng baril.
“The decision is lodged with our Chief FEO as the delegated authority,” dagdag pa nito.
Ayon naman kay Nartatez, hindi na bago na magkaroon ng mahigit 100 baril si Dela Rosa dahil dati itong hepe ng PNP at nabigyan ng lisensya para sa iba’t ibang uri ng armas.
Sinabi naman ni NBI Director Melvin Matibag na gumagawa na sila ng legal position na isusumite sa PNP-FEO upang tuluyang mapahinto ang gun privileges ng senador.
Ayon kay Matibag, dahil sa law enforcement background ni Dela Rosa at sa dami ng kanyang armas, kinakailangang maging maingat ang mga arresting officer.
Batay sa rekord, umaabot umano sa 118 lisensyadong baril ang nakapangalan kay Dela Rosa kabilang ang sidearms, high-powered automatic rifles at shotguns na nakarehistro sa isang address sa Davao City.
“The issuance of a license to possess firearms is a privilege that is granted to an individual. If that is a privilege extended by the government, the government can cancel that license at any time for any reason,” paliwanag ni Matibag.
Matatandaang bumuo na ng tracker teams ang NBI at PNP upang hanapin si Dela Rosa matapos itong umalis sa Senado kasunod ng gun firing incident.
Samantala, sinabi ng PNP na handa silang tumugon sa anumang pormal na kahilingan kaugnay sa pagkansela ng lisensya ng mga armas ng senador.
“Upon receipt of such request, we will evaluate and act on the same in accordance with Republic Act No. 10591 and its revised implementing rules, swiftly and within the bounds of the law,” ayon kay PNP information office chief P/Col. Allen Rae Co.
Dagdag pa ni Nartatez, nakikipag-ugnayan na rin sila sa iba pang law enforcement agencies kasunod ng mga ulat na may posibilidad pang maglabas ng panibagong warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC).
Giit pa ng PNP chief, ipatutupad nila ang arrest warrant laban kay Dela Rosa tulad ng ginagawa sa ibang akusado kahit dati pa itong hepe ng pambansang pulisya.
(JESSE RUIZ)
88 