NATIONAL ELECTION DAY, APRUB NA SA KAMARA BILANG NON-WORKING HOLIDAY

APRUBADO na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara de Representantes ang panukalang batas na nagdedeklara sa araw ng pambansang halalan bilang regular non-working holiday.

Sa botong 233 pabor, walang tumutol at isang abstention, naipasa ang House Bill No. 8392 sa ilalim ng liderato nina House Speaker Faustino Dy III at Majority Leader Sandro Marcos.

Ayon kay Marcos, isa rin sa mga may-akda ng panukala, layunin nitong mabigyan ng sapat na panahon ang mga botante upang makaboto nang walang iniintinding trabaho.

“This proposed law would free them from work-related concerns and allow them to focus on exercising their right to vote wisely,” ayon kay Marcos.

Nakasaad sa panukala na “every national election shall be a regular non-working holiday to incentivize the electorate who exercise their democratic right of suffrage.”

Pinalawak din ng panukala ang depinisyon ng “national election” upang maisama ang plebisito, referendum, people’s initiative, recall elections, special elections at iba pang katulad na proseso ng pagboto na saklaw ang buong bansa.

Aamyendahan ng naturang panukala ang Executive Order No. 292 o Administrative Code of 1987 na nagtatakda ng mga regular holidays at special non-working days sa Pilipinas.

Kapag tuluyan na itong naging batas, opisyal nang idaragdag ang National Election Day bilang regular non-working holiday sa bansa.

(TINA MENDOZA)

75

Related posts

Leave a Comment