HUMINGI ng paumanhin si Senador Erwin Tulfo sa naging marahas niyang pahayag matapos ang matinding tensyon at emosyon sa loob ng Senado.
“Bilang pagkilala sa mataas na institusyong aking kinabibilangan, lubos akong humihingi ng paumanhin sa aking mga kasamahan sa aking mga naging marahas na pahayag ukol sa pagpapaaresto, pagkwelyo, at pagbibitbit kay Senador Cayetano at sa ilang indibidwal palabas ng session or plenary hall,” pahayag ni Tulfo.
“Hindi po ito ang dapat na asal ng isang opisyal lalo na ng isang senador.
Ang mga salitang iyon, bagaman hindi nararapat sa harap ng publiko, ay dala ng bugso ng damdamin sa hangarin na huwag nang maantala pa ang trabaho para sa bayan,” diin pa ng senador.
Aminado ang mambabatas na mali ang kanyang mga naging pahayag kaya’t humihingi ng kapatawaran sa publiko.
Binigyang-diin niya na dahil sa mga nagdaang hidwaan, natapos ang sesyon nang hindi umuusad ang mahahalagang batas at nang dahil sa bangayan, naging paralisado ang mandato kung saan ang talo anya ay ang mga Pilipino.
“Kaya nananawagan po ako sa aking mga kapwa Senador: Tapusin na ang pagkakawatak-watak. Dahil sa labas ng Senado, ilan sa atin ay magbabarkada, magkumare o magkumpare naman.
KAYA, TRABAHO NA LANG TAYO,” dagdag ni Tulfo.
Iginiit niyang dapat nang magbalangkas ng mga batas, mag-imbestiga sa mga iregularidad nang walang kinatatakutan, at unahin ang kapakanan ng bawat Pilipino.
Ang pagkakaisa anya ay hindi nangangahulugang pag-atras sa laban kundi ito ay ang pagsasama-sama ng ating lakas upang protektahan ang sambayanan.
“Sa panahong ito ng pagsubok, itabi natin ang personal na interes. Ipanalo natin ang Pilipino. Magkaisa tayo para sa maibalik ang integridad at tatag ng Senado,” diin pa ni Tulfo.
(DANG SAMSON-GARCIA)
109 