(NI KEVIN COLLANTES)
PINATAWAN ng tatlong buwang suspensiyon ng Department of Transportation (DOTr) ang apat na private emission testing centers (PETCs) nito sa Mindanao.
Ito’y matapos na matuklasang namemeke umano ang mga ito ng resulta ng isinasagawang emission tests.
Batay sa Department Order 2016-017, nabatid na kabilang sa pinatawan ng 90-day suspension ng DOTr ang Six Eleven Emission Test Co., na matatagpuan sa Macapagal Avenue, Tubod, Iligan City, Lanao Del Norte; at 221 Emission Testing Center-Molave Branch sa Ramos Street, Molave, Zamboanga Del Sur.
Nahaharap din sa suspensiyon ang Motor Vehicle Private Emission Testing Center sa Gov. Gutierrez Avenue, Rosary Heights 9, Cotabato City at Duma-Si-Bay Pollution Test Co. sa Poblacion Norte, Don Carlos, Bukidnon.
Ayon sa DOTr, bukod sa mga naturang PETCs, pinadalhan na rin nila ng kopya ng suspension order ang mga IT Service Provider ng mga ito upang itigil ang pagpuproseso ng anumang data na ipadadala sa kanila ng suspendidong emission testing centers.
Binalaan din ng departamento ang mga naturang IT Service Provider na papatawan ng kahalintulad na parusa kung babalewalain ang kanilang kautusan.
152