PANGONGOTONG NG BI SA MGA DAYUHAN PINALAGAN

BISTADOR ni RUDY SIM

TILA hugas-kamay na naman ang ilang opisyales ng Bureau of Immigration sa isyu ng panggigipit sa mga dayuhang kanilang nabigyan ng 9g working visa, at sa travel agencies na naisama sa mga napadalhan ng show cause order dahil sa investigation kuno ng Intelligence Division, na ilan dito ay maraming bilang ng mga dayuhang manggagawa ang hindi talaga konektado sa kompanya at maaaring maharap sa pagkansela sa visa at mailagay sa backlist.

Katwiran ng BI ay wala raw katiwaliang nangyayari at nangyari sa approval ng visa ng mga dayuhan at wala raw silang pananagutan kung mayroon mang nakalusot o pinalusot na pekeng foreign workers ng kompanyang kinabibilangan nito. Giit ng ahensya ay ang Department of Labor and Employment (DOLE) NCR ang dapat imbestigahan kung bakit nila inisyuhan ng Alien Employment Permit ang mga dayuhang nag-apply ng working visa, at ayon sa BI ay hindi na raw nila trabaho ang mag-check kung legit ba talagang tauhan ng kompanya ang isang foreign worker.

Unang-una sa application pa lang ng visa, wala bang lagayan na nangyari? Baka tamaan kayo ng kidlat kung sasabihin ninyong wala! Baka nakalimutan na ninyo na noong nakaraang taon ay isang kompanya ang sumulat sa BI dahil nagulat na lamang ang mga ito nang ipagbigay-alam sa kanila ng DOLE na mahigit isang libo ang kanilang nakalistang foreign workers samantalang sa talaan ng kompanya ay mayroon lang silang higit 200 na tauhan… so sino ang nagpalusot? Hindi ba’t ito ay nakarating sa tanggapan ni Senator Imee Marcos at nakatakdang imbestigahan sana ito sa Senado ngunit natabunan ng flood control anomalies at kaguluhan sa liderato ng mga senador.

Bakit hindi isama ni Senator Imee Marcos, Risa Hontiveros at ng Blue Ribbon Committee sa imbestigasyon upang malaman kung sino ang mga kumita at kumikita pa rin hanggang sa kasalukuyan sa tila legal na pangongotong sa travel agencies na hindi kasabwat sa kanilang raket at sa mga dayuhang Chinese at Indian nationals na iginigisa sa kanilang sariling mantika. Ang raid na isinagawa ng BI intelligence sa Gapan, Nueva Ecija sa pinakamalaking solar power plant na ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bakit sa higit 200 na hinuli diumano ay wala pang sampu rito ang tinuluyan at karamihan ay inareglo raw ng dalawang kumag na opisyal ng intelligence na sina Marco at Mendez.

Bakit wala rin sa inyong listahan itong si alias “Haidee” na liaison officer na may ilang dummy offices umano at nasangkot na rin sa pamemeke ng papeles, gayundin itong si Girish Bumbay na nauna nang kinansela ang kanyang lisensya sa BI ngunit nagpalit lang ng pangalan. Anyare, may nasulit kaya sa BI Accreditation Unit? Kung walang katiwalian sa application ng visa, bakit mayroong “Color Coding” na folder ang dalawang mataas na opisyal ng Legal Division? Malinaw naman na ang color coded na folders ay ang personal na pinagkakakitaan ng opisyal na may hawak nito.

Sa susunod ay ibibisto pa natin ang ilan pang kasabwat ng mga opisyales ng BI sa pangongotong sa travel agencies at sa mga dayuhang tinatakot umanong ikakansela ang kanilang visa kung hindi makikipag-areglo? Kakapal n’yo naman, ‘wag ninyo sabihing hindi kayo nakinabang sa pag-approve ng visa at ngayon ay ikakansela niyo para muling gatasan?

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

174

Related posts

Leave a Comment