HINDI MALIIT ANG TATLUMPUNG LIBO

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

MAY isang eksena sa “It’s Showtime” na naging usap-usapan online. Isang contestant ang nanalo ng P30,000 sa “Laro, Laro, Pick” ngunit kapansin-pansin na hindi siya gaanong natuwa. Ipinaliwanag niya na kailangan ng kanyang anak ng pera para sa pag-aaral. Naiintindihan ko ang problema niya. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit parang naging maliit na halaga na lang ang P30,000 sa paningin ng ilan.

Oo, mahal ang mabuhay ngayon. Hindi sapat ang isang malaking halaga para tuluyang mabura ang lahat ng mga problema ng isang pamilya. Pero hindi rin tama na tratuhin ang P30,000 na parang wala itong halaga. Kung ang kailangan mo ay P16,000 para sa gastusin sa paaralan at nakatanggap ka ng P30,000, hindi ba dapat may kahit kaunting ginhawa kang mararamdaman? Hindi man nito maaayos ang lahat, may isang mabigat na problema na agad na nabawasan.

Mas naging kakaiba para sa akin ang reaksyon ng ilang tao online. May mga nagsasabing maliit na lang daw ang P30,000 sa panahon ngayon. Totoo, mabilis maubos ang pera.

Pero iba ang mabilis maubos sa maliit. Maraming manggagawa ang kailangang magtrabaho nang mahigit isang buwan para kumita ng ganoong halaga. Maraming pamilya ang makababayad ng renta, kuryente, tubig, at pagkain gamit ang perang iyon.

Hindi iyon barya. Hindi iyon perang basta nahuhulog mula sa bulsa.

Ang madalas nating nakalilimutan ay laro ang sinalihan ng contestant. Walang nangakong masasagot nito ang lahat ng mga problema sa buhay. Walang nangakong mababago nito ang kalagayan ng buong pamilya. Sa totoo lang, masuwerte pa nga na siya ang napili bilang contestant at lalo pang masuwerte na siya ang natirang panalo. Libo-libong tao ang gustong magkaroon ng ganoong pagkakataon. Hindi lahat ay nabibigyan.

Sa tingin ko, dito pumapasok ang kahalagahan ng pananaw. Kapag ang tingin natin sa anomang biyaya ay kulang dahil hindi nito natupad ang lahat ng ating gusto, lagi tayong mabibigo. Kahit pa P50,000 o P100,000 ang matanggap ng isang tao, maaari pa ring magmukhang kulang kung ang una niyang iisipin ay ang mga problemang hindi nito kayang solusyunan. Ngunit kung titingnan natin kung ano ang kaya nitong gawin, doon nagsisimula ang pagpapahalaga.

May isa pang bagay na napansin ko. Kapag may taong nanalo ng P30,000 at ang unang reaksyon ng marami ay sabihing maliit lang iyon, parang nawawala sa usapan ang realidad ng mga taong araw-araw na nagsisikap kumita ng mas mababa pa riyan.

Maraming magulang ang nag-iisip kung saan kukuha ng pambili ng pagkain kinabukasan.

Maraming estudyante ang nagtitipid sa pamasahe at baon. Para sa kanila, ang P30,000 ay hindi simpleng halaga. Ito ay pagkakataong makahinga nang kaunti, makabayad ng gastusin, o makapagsimula muli. Kaya nakalulungkot din na may mga pagkakataong tila mas nakikita natin kung ano ang kulang kaysa kung ano ang mayroon na.

Hindi naman kasalanan ang mag-alala sa gastusin. Hindi rin kasalanan ang mangarap ng mas malaking halaga. Ang nakapagtataka ay kung kailan naging normal na maliitin ang isang tulong na kayang baguhin ang isang buwan ng buhay ng maraming tao. Para sa akin, hindi ito usapin ng pera lamang. Usapin ito ng pagtanaw sa biyayang nasa harap mo. Sapagkat sa panahon ngayon, marami ang naghahanap ng kahit maliit na pagkakataon upang makaahon. At kung ako ang tatanungin, ang tatlumpung libo ay tatlumpung libo pa rin.

94

Related posts

Leave a Comment