ID, LIBRE SA PUBLIC SCHOOL; DEPED NAGBABALA SA MANININGIL

deped65

(NI KEVIN COLLANTES)

PINAALALAHANAN ng Department of Education (DepEd) ang publiko na hindi sila dapat magbayad para sa identification cards (ID) ng kanilang mga anak na nag-aaral sa mga pampublikong paaralan.

Ang paalala ay ginawa ng DepEd, bilang bahagi ng kanilang programang Oplan Balik Eskwela 2019, kasunod na rin ng pormal nang pagsisimula ng klase sa bansa para sa School Year 2019-2020 noong Hunyo 3.

Ayon sa DepEd, hindi dapat na magbayad ng ID fee ang mga magulang sa enrollment o kahit anumang araw ng school year.

Ipinaliwanag nito na kasama sa budget ng mga public schools ang pagbabayad sa mga ID kaya’t hindi ito dapat na maging pasanin pa ng mga magulang.

“Ang ID ay libreng ibinibigay sa estudyante; walang babayaran na “ID Fee” sa enrollment o sa ano mang araw ng school year,” paalala pa ng DepEd.

“Kasama ito sa budget ng pampublikong paaralan at hindi ka dapat singilin,” dagdag nito.

Giit ng DepEd, wala ring iba pang dapat bayaran ang mga mag-aaral sa pagpasok nila sa ekswela upang mahikayat ang mga magulang na ipasok sa paaralan ang kanilang mga anak, para sa mas magandang kinabukasan ng mga ito.

Samantala, hinikayat naman ng DepEd ang publiko na kung mayroon man silang anumang mga katanungan na may kinalaman sa edukasyon ay maaari silang tumawag sa Public Assistance Action Center (PAAC) ng DepEd sa (02)636-1663, 635-9817, 638-7530, 633-1942, 638-8641, 638-7529, o (0919)456-0027, o di kaya’y mag-email sa action@deped.gov.ph.

 

796

Related posts

Leave a Comment