‘MIDDLEMEN’ SA OMBUDSMAN USAP-USAPAN SA SOCIAL MEDIA

KUMAKALAT sa social media ang mga post na nag-uugnay sa ilang indibidwal bilang umano’y mga middleman sa pag-aayos ng mga kasong hinahawakan ng Office of the Ombudsman.

Sa mga naturang post, inaakusahan ang ilang personalidad na umano’y nakaiwas sa pagsasampa ng kaso matapos makipagkasundo o magbigay ng tinatawag na “restitution.” Gayunman, walang inilabas na opisyal na ebidensiya na nagpapatunay sa naturang mga alegasyon.

Iniuugnay rin sa mga social media post ang umano’y mabagal na pag-usad ng ilang kaso kaugnay ng mga flood control project, kumpara sa mabilis na pagproseso ng mga kaso laban kina Rodante Marcoleta at Jinggoy Estrada.

Lumalabas na ang mga pangalang “Nanang” na siyang pinuno umano ng lahat ng middlemen sa Ombudsman. At isang Alfred Kho Lao na sinasabing negosyador para sa restitution o pagbabalik ng perang ninakaw kasama na ang “for the boys.’

Mayroon din papel na ginagampanan sina alias Rolle, Bayot, Jip, Weng at Susan, ang tinatawag namang “happy group” sa Office of the Ombudsman.

Nauna nang sinabi ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na hindi sapat ang pagsasampa ng ilang kaso kung ang mga pinakamalalaking personalidad na matagal nang iniuugnay sa iskandalo ay nananatiling hindi napapanagot. Aniya, ito ang nagpapalakas sa persepsiyon ng selective justice.

Ganito rin ang naging panawagan ni Navotas Rep. Toby Tiangco. Hinamon niya ang pamahalaan na patunayang pantay ang pagpapatupad ng batas sa lahat—kaalyado man o kalaban sa pulitika. Kung may sapat na ebidensiya laban sa mga itinuturong pangunahing personalidad sa flood-control anomaly, aniya, dapat silang usigin nang may parehong bilis at determinasyong ipinakita sa iba pang mga kaso.

(JOEL O. AMONGO)

78

Related posts

Leave a Comment