PUBLIKO HINIMOK MAKIISA SA SECOND QUARTER NATIONWIDE SIMULTANEOUS EARTHQUAKE DRILL

HINIKAYAT ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang publiko na makiisa sa isasagawang Second Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong Huwebes, Hunyo 18, bilang bahagi ng pagpapalakas ng kahandaan sa mga sakuna.

Ang panawagan ay ginawa kasunod ng naganap na magnitude 7.8 na lindol sa Southern Mindanao.

Ayon sa NDRRMC, magsisimula ang programa alas-8:00 ng umaga sa pamamagitan ng ceremonial pressing of the button, habang alas-9:00 naman ng umaga ang pagpapatunog ng sirena bilang hudyat ng sabay-sabay na pagsasagawa ng “Duck, Cover, and Hold” ng mga kalahok sa buong bansa.

Bilang bahagi rin ng earthquake drill, magsasagawa ang mga opisyal at kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ng isang tabletop exercise upang suriin at isailalim sa simulation ang mga nakahandang plano sa pagtugon sa isang magnitude 7.2 na lindol na posibleng dulot ng paggalaw ng West Valley Fault.

Sinabi ng NDRRMC na mahalagang maging aktibong kalahok ang publiko sa mga gawaing nagtataguyod ng kahandaan hindi lamang laban sa lindol kundi maging sa iba pang uri ng panganib at sakuna.

Pinayuhan din ang publiko na subaybayan ang mga opisyal na anunsyo at paalala sa mga social media page ng Civil Defense PH at NDRRMC.

(JESSE RUIZ)

110

Related posts

Leave a Comment