GUNMAN, UTAK SA PAGPATAY SA KOREANO ARESTADO

ARESTADO na ang gunman at mastermind sa pagpaslang sa isang Korean national sa General Tinio, Nueva Ecija noong Hunyo 16.

Sa isinagawang press briefing nitong Lunes ng umaga sa Camp Crame, kinilala ni PRO 3 Regional Director PBGen Jess Mendez ang naarestong mga suspek na sina alyas “Jao”, ang gunman, at “Andrea” na mastermind sa krimen.

Batay sa isinagawang imbestigasyon, lumitaw na pera ang motibo sa krimen matapos na hindi nakapag-remit si Andrea ng pera sa biktimang si Shin Bongsub na isang beauty products distributor.

Napag-alaman din na bukod sa pagiging beauty product distributor ay sangkot din umano ang biktima sa kalakaran ng ilegal na droga.

Ayon kay Mendez, planado ang ginawang pamamaslang ng mga suspek sa biktima. Narekober naman ang baril na ginamit sa krimen.

Sa pamamagitan ng intelligence gathering, CCTV backtracking, at forensic examination, natunton ang getaway vehicle na ginamit sa krimen.

Magkasunod na naaresto ang mga suspek noong Hunyo 19 sa Angeles at Clark sa Pampanga.

Nasampahan na ng kasong pagpaslang ang dalawang suspek at itinuturing nang ‘solved’ ang nasabing kaso.

(TOTO NABAJA)

44

Related posts

Leave a Comment