MAKARAAN lamang ang ilang oras, agad na naarestado ang tatlong suspek sa pagholdap sa isang convenience store sa Tiaong, Quezon, sa ikinasang hot pursuit operation ng Quezon Police Provincial Office, katuwang ang Lipa City Police.
Ayon sa Tiaong Municipal Police Station, bandang alas-9:30 ng umaga noong Sabado, Hunyo 20, nang pasukin ng apat na armadong lalaki ang convenience store sa Barangay Lusacan
Tinutukan umano ng baril ng mga suspek ang mga empleyado at sapilitang pinapasok sa opisina ng store manager bago tinangay ang tinatayang P100,000 cash mula sa koleksyon at operating funds ng establisyemento.
Matapos ang insidente, agad naglunsad ng masusing imbestigasyon, pagsusuri sa CCTV footage, intelligence monitoring, at koordinasyon sa mga karatig na himpilan, ang Tiaong MPS at 1st Quezon Provincial Mobile Force Company sa ilalim ng pamumuno ng QPPO.
Sa tulong ng backtracking operation at drone-assisted aerial surveillance ng Lipa City Police, natunton ang pinagtataguan ng mga suspek sa Machua Compound sa Barangay Bolbok, Lipa City, Batangas kung saan naaresto ang tatlo sa mga suspek bandang alas-7:00 ng gabi.
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Art”, 25; “James”, 22; at “Emer”, 35, habang patuloy pang tinutugis ng mga awtoridad ang isa pa nilang kasamahan na si alyas “Alex”.
Narekober sa operasyon ang tatlong kalibre .45 na baril, mga motorsiklong ginamit sa pagtakas, cellular phones, mga damit na ginamit sa krimen, at P6,800 cash.
Pinuri naman ni QPPO Provincial Director PCol. Romulo Albacea ang mabilis na koordinasyon ng mga operatiba na nagresulta sa agarang pagkakaresolba sa kaso.
(NILOU DEL CARMEN)
49 