SOCMED ACCESS NG 15-ANYOS PABABA PINAHIHIGPITAN

NABUHAY sa Senado ang panukalang higpitan ang paggamit ng social media ng mga batang wala pang 15 taong gulang kasunod ng madugong pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Ayon kay Senador Joel Villanueva, chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, mahalagang suriin hindi lamang ang mismong insidente kundi maging ang iba pang salik na maaaring nakaimpluwensya sa pag-uugali ng mga kabataan.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad, sinabi ni Villanueva na dapat ding pagtuunan ng pansin ang epekto ng pagkakalantad ng mga menor de edad sa mapaminsalang online content.

Dahil dito, muling binigyang-diin ng senador ang pangangailangang pag-aralan ang mga hakbang na magbibigay ng mas matibay na proteksyon sa mga bata, kabilang ang mga panukalang maglilimita sa paggamit ng social media para sa mga wala pang 15 taong gulang.

May mga nakabinbing panukala sa Senado na naglalayong i-regulate ang paggamit ng social media ng mga menor de edad.

Tinawag din ni Villanueva na “nakababahala” at “labis na nakalulungkot” ang nangyaring pamamaril at nanawagan ng pagpapalakas sa mga mental health program sa mga paaralan.

Kabilang sa kanyang mga mungkahi ang pagdaragdag ng guidance counselors upang mas matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante.

(DANG SAMSON-GARCIA)

48

Related posts

Leave a Comment