PCG, NAVY PINAG-IINGAT SA ‘GALAW’ NG CHINA SA BAJO DE MASINLOC

NANAWAGAN si dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy (PN) na manatiling mapagbantay sa mga aktibidad ng China sa paligid ng Bajo de Masinloc at huwag magpakampante sa mga ikinikilos nito sa lugar.

Ayon kay Barbers, maaaring gamitin ng China sa Bajo de Masinloc ang kaparehong taktika na ginawa nito sa Mischief Reef o Panganiban Reef noong 1995.

Ipinaalala niya na unang ipinakita ng China ang mga istrukturang itinayo nito sa Mischief Reef bilang simpleng “fishermen’s shelter” ngunit kalaunan ay pinalawak ito hanggang maging isang artipisyal na isla na may mga pasilidad militar.

“The reef is now fortified with naval ports, radar systems, military hangars and runways. It now serves as an advanced monitoring and operational military hub for China,” ani Barbers.

Sinabi rin niya na hindi dapat balewalain ng Pilipinas ang mga ulat ng presensya ng mga barko ng Chinese Coast Guard, Chinese Navy at maritime militia sa Bajo de Masinloc.

Mayroon din aniyang mga ulat hinggil sa mga istrukturang inilatag sa lugar na pinaniniwalaang ginagamit sa underwater research at exploration.

“Di dapat tayo magtiwala. Baka pag pinabayaan natin ito o nalingat tayo, baka bigla na lang may oil rig o iba pang istrukturang naitayo na ang China sa Bajo de Masinloc,” babala ni Barbers.
Dahil dito, hinikayat niya ang PCG at PN na ipagpatuloy ang 24-oras na pagbabantay sa lugar.

“Therefore, our Coast Guard and Philippine Navy should not blink, be vigilant 24/7, and must not trust China’s suspicious naval activities in the vicinity of Bajo de Masinloc,” dagdag pa nito.

Ang Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal ay nasa loob ng 200-nautical-mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas at matatagpuan sa kanluran ng Zambales.

Matatandaang noong 2016 ay nagpasya ang Permanent Court of Arbitration sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na walang legal na basehan ang “nine-dash line” claim ng China sa malaking bahagi ng West Philippine Sea.

(TINA MENDOZA)

51

Related posts

Leave a Comment