ISINULONG ni House Speaker Faustino Dy ang isang panukalang batas na magpapataw ng mas mahigpit na regulasyon sa party-list system upang mapigilan ang pagpasok ng political dynasties, government contractors at iba pang may posibleng conflict of interest.
Sa ilalim ng House Bill No. 9906 o New Party-List System Act, ipagbabawal ang pagnomina at pagsisilbi bilang party-list representative ng mga indibidwal na may relasyon hanggang second degree of consanguinity o affinity sa kasalukuyang senador o kongresista.
Saklaw din ng diskwalipikasyon ang mga incumbent elective officials at mga taong nabigyan ng government contracts, concessions, franchises o public-private partnership agreements sa loob ng limang taon bago ang halalan.
Hindi rin maaaring maging nominee ang mga opisyal at controlling shareholders ng mga kumpanyang may kontrata sa gobyerno.
“Ang party-list system ay nilikha upang palawakin ang representasyon, hindi upang palawakin ang kapangyarihan ng iilang pamilya,” ayon kay Speaker Dy.
“Kung tunay tayong naninindigan para sa isang mas bukas, mas patas at mas inklusibong demokrasya, dapat nating tiyakin na ang party-list system ay nananatiling tapat sa orihinal nitong layunin na bigyan ng boses ang mga sektor at komunidad na kulang sa representasyon,” dagdag pa niya.
Bahagi ang panukala sa priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at kabilang sa pangunahing electoral reform measures ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nakasaad din sa panukala ang election-cycle cooling-off period para sa mga dating halal na opisyal at kandidato bago sila payagang maging party-list nominees.
Inaatasan din ang mga party-list organization na patunayang wala silang direkta o hindi direktang kaugnayan sa political dynasties at sa mga indibidwal na nakikinabang sa mga kontrata ng gobyerno.
Ayon sa explanatory note ng panukala, may mga pangamba na ginagamit ng ilang tradisyunal na pulitiko at political dynasties ang party-list system bilang alternatibong paraan upang manatili sa kapangyarihan.
Ang New Party-List System Act ay magsisilbing dagdag sa Anti-Political Dynasty Act na naaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa.
(TINA MENDOZA)
58 