BINUKSAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa publiko ang digital transparency platform na magbibigay-daan sa mga Pilipino na masubaybayan kung saan inilalaan at ginagastos ng pamahalaan ang pondo ng bayan.
Kasabay nito, inilunsad din ng Pangulo ang updated Philippines Public Financial Management (PFM) Reforms Roadmap 2024–2028.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang pampublikong pondo ay pag-aari ng mamamayan kaya nararapat lamang na malinaw kung paano ito ginagamit para sa kapakinabangan ng lahat.
Sinabi rin ng Pangulo na magsisilbing gabay ang PFM Reforms Roadmap upang higit pang mapalakas ang sistema ng pananagutan at matiyak na bawat pisong ginagastos ng gobyerno ay maayos na naipapaliwanag at napapanagutan.
Batay sa ulat, nakabatay ang roadmap sa resulta ng 2025 Public Expenditure and Financial Accountability Assessment, kabilang ang mga rekomendasyon upang gawing mas tumutugon ang public financial management sa usapin ng klima, gender, kalamidad at kapakanan ng mga bata.
Inendorso ang roadmap kay Pangulong Marcos ng Public Financial Management Committee ng Executive Branch sa pangunguna ni Acting Budget Secretary Kim Robert de Leon, kasama sina Economy, Planning and Development Secretary Arsenio Balisacan, Information and Communications Technology Secretary Henry Aguda, at Commission on Audit Chairperson Gamaliel Cordoba.
Inilunsad din ang Department of Budget and Management’s Centralized Open Monitoring Platform for Appropriations and Spending Statistics, isang searchable portal na pinagsama ang budget at spending information, kabilang ang National Expenditure Program at General Appropriations Act.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na hindi dapat maging komplikado at mahirap unawain ng publiko ang usapin ng pambansang budget.
Aniya, kailangang gawing mas madaling ma-access at maintindihan ng bawat Pilipino ang impormasyon kung saan napupunta ang kanilang buwis at pondo ng gobyerno.
(CHRISTIAN DALE)
67 