BOC UMAPELA NG SAMA-SAMANG PAGTUGON VS E-WASTE SHIPMENTS SA SUBIC

INIMBITAHAN ng Bureau of Customs (BOC) ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga stakeholder upang pag-usapan at aksyunan ang isyu ng umano’y pagpasok ng electronic waste (e-waste) shipments sa Pilipinas.

Ayon sa BOC, nagpatawag ito ng coordination meeting kasunod ng panawagan ng isang environmental protection group na agarang tugunan ang nakatambak na electronic waste sa Subic Freeport.

Layunin ng pagpupulong na pag-isahin ang lahat ng sangkot na ahensya upang mas maunawaan ang sitwasyon, malinaw na matukoy ang kani-kanilang tungkulin, matiyak ang pagsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon, at makabuo ng praktikal at legal na solusyon.

Kabilang sa mga inimbitahan ang Office of the Solicitor General (OSG), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Economic Zone Authority (PEZA), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Justice (DOJ), Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), gayundin ang Basel Action Network, Sustainable Electronics Recycling International (SERI), at EcoWaste Coalition.

Isasagawa ang coordination meeting habang patuloy na naghahanap ang BOC ng mga legal na remedyo kaugnay ng mga umano’y e-waste shipment na kasalukuyang nakabinbin sa korte at inaapela sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General.

Dahil nasa ilalim pa ng judicial process ang usapin, sinabi ng BOC na hindi muna ito maaaring magbigay ng mga partikular na detalye ng kaso.

Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, mahalagang magtulungan ang lahat ng concerned agencies at stakeholders upang magkaroon ng malinaw na pag-unawa sa isyu habang nagpapatuloy ang legal na proseso.

“Habang nasa ilalim pa ng judicial review ang kaso, mahalaga na magkausap ang lahat ng concerned agencies at stakeholders para mas malinaw nating maunawaan ang isyu, ang kani-kanilang roles, at ang mga batas at regulasyong dapat sundin,” ani Nepomuceno.

Dagdag pa niya, makatutulong ang coordination meeting upang matiyak na ang lahat ng hakbang ay maayos na naisasagawa at naaayon sa batas.

Samantala, tuloy-tuloy ang operasyon ng Bureau of Customs sa Port of Subic at nagpapatuloy ang koordinasyon nito sa iba pang ahensya upang mapalakas ang mga pangkalikasan at regulatory safeguards.

Magugunitang nanawagan ang ilang environmental groups na aksyunan ang umano’y tambak ng basura mula sa United States, kabilang ang 234 container vans na pinaghihinalaang naglalaman ng e-waste.

(JESSE RUIZ)

53

Related posts

Leave a Comment