ANYARE SA MGA PINUTOL NA PUNONGKAHOY SA QUIRINO?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MAY gusto akong kumustahin pero hindi iyong pinaiyak ng hindi nangumusta ha.

Ang dapat kumustahin ngayon ay ang mga pinutol na puno sa kahabaan ng Quirino Avenue sa Maynila para bigyang-daan ang Southern Access Link Expressway (SALEX), ang proyektong magdudugtong ng Skyway to Roxas Boulevard.

Itinuring ng Caritas Philippines, na “act of ecological violence” ang ginawang pagpuputol sa mga punong nagsisilbing “silent protectors” at “lungs of the community.”

Mahigit 225 na puno na ang pinutol bago natigil ang operasyon. Sa permit na inisyu ng DENR sa San Miguel Corporation (SMC) ay pinahintulutan ang pagputol ng kabuuang 617 puno.

Asan na ‘yung mga troso o kahoy ng pinutol na mga puno?

Mahal kung ibibenta mga ‘yun. Ang puno na nagbibigay lilim ay malamang maging muwebles. Hindi na sinisilungan. Inuupuan at hinihigaan na.

Matapos ngang bugbugin ng netizens, muli raw itinanim ng DENR ang dalawang puno ng Narra na pinutol.

At base raw sa assessment ng ahensya, 44% sa mga puno ay nabubulok na; 26% ang mayroon nang mga nakabuhol na kable; at 19% ang umano’y patay na, lanta, o kaya’y may sira na. Ibig sabihin hindi na pwedeng ilipat o muling itanim. So asan na nga?

Ayon sa DENR, pinapayagan sa ilalim ng umiiral na forestry at environmental laws ang pagputol o paglilipat ng mga puno para sa mga proyektong imprastraktura basta’t may permit at sinusunod ang environmental safeguards.

Legal ngani, pero dapat maingat nila itong inililipat sa ibang lugar kung saan may posibilidad pa ang mga ito na mabuhay. Kaso, pinutol. Duguan ang mga puno kaya nagdurugo ang kalikasan.
Papalitan naman daw ang mga itinumbang punongkahoy.

Ayon sa DENR, 57,000 seedlings ang kailangang ibigay ng San Miguel Corporation, ang kumpanyang nasa likod ng itatayong SALEX, para itanim sa tatlong lugar sa Maynila bilang kapalit ng mga punong puputulin o ililipat.

Punla, bubot na pananim ang ipapalit sa mga punong gumugol ng maraming taon bago yumabong.

Matindi na ang init sa siyudad. Lumalala ang pagbaha, at heto, pinuputol ang matatandang puno na nagbibigay-lilim, naglilinis ng maruming hangin, sumisipsip sa tubig-ulan, at nagsisilbing alaala ng kultura at nakagisnan o nakamulatan.

Ang mga pinutol ay nagbibigay na ng proteksyon sa kasalukuyan. Kahit palitan ang mga ‘yun matagal pa bago pakinabangan. Magbibilang ng maraming taon bago yumabong ang mga itatanim na seedling.

Kailangan ba talagang isakripisyo ang mga mature tree para sa isang konstruksyon na magpapagaan ng trapiko?

Expressways nga ba talaga ang solusyon sa traffic?

Lalo lang dadami ang sasakyan kapag nadagdagan ang mga lansangan. Ang kailangan para maresolba o mabawasan ang trapiko ay mass rail transport.

Ang maunlad na siyudad ay hindi lang nasusukat sa dugtong-dugtong, mahaba at maraming mga kalsada at sa dami ng mga sasakyan.

Posible ang pag-unlad nang hindi kailangang sirain ang kalikasan.

Kaya sa bawat pagputol ng mga puno ay may sisibol na iba pang alalahanin.

Ang masaklap: kapag lumitaw ang mga kalsada at iba pang proyektong imprastraktura ay mga puno ang natutumba at nawawala.

104

Related posts

Leave a Comment