BOC PINAMAMADALI DISPOSAL NG MGA NABUBULOK NA KARGAMENTO SA PORT OF SUBIC

PINAMAMADALI ng Bureau of Customs (BOC) ang disposal ng mga refrigerated container van na naglalaman ng nabubulok at mababahong kargamento sa Port of Subic.

Reklamo na umano ng mga terminal operator at kalapit na establisimyento ang matinding baho mula sa mga overstaying refrigerated containers na hinihinalang naglalaman ng mga sirang agricultural products.

Pinaniniwalaang karamihan sa mga container ay inabandona ng mga importer upang makaiwas sa pagbabayad ng buwis at dagdag na gastusin sa tamang disposal ng kanilang kargamento.

Kamakailan, inatasan ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang legal team ng BOC na pag-aralan ang pananagutang legal ng mga importer at shipper ng mga inabandonang container.

Ayon sa BOC, milyon-milyong piso ang nagagastos ng pamahalaan sa tamang pagtatapon ng mga nabubulok na kargamento sa iba’t ibang pantalan.

Sinabi ni Port of Subic District Collector Geniefelle Lagmay na prayoridad niyang ipatupad ang direktiba ni Commissioner Nepomuceno na decongest ang Port of Subic at agad na alisin ang mga overstaying containers na nagdudulot ng masangsang na amoy at banta sa kalusugan at kapaligiran.

Sa kasalukuyan, may 108 refrigerated containers na lampas na sa itinakdang storage period sa pantalan.

Naitapon na ng BOC ang pitong container habang tatlo pa ang sumasailalim sa condemnation proceedings matapos maalis ang kabuuang 10 overstaying refrigerated containers.

Target ng BOC na makapag-dispose ng lima hanggang sampung container bawat linggo upang mapabilis ang paglilinis ng pantalan.

“The condemnation and disposal activities have already helped mitigate the environmental impact of the overstaying cargo,” ani Lagmay.

(JESSE RUIZ)

62

Related posts

Leave a Comment