NAGING inspirasyon ng kanyang mga guro at kaklase ang matagumpay na pagsagip ng isang Marine Transportation student sa dalawang batang nalunod sa isang beach resort kamakailan.
Patunay ang ginawa ni Von Untalan, 20-anyos, na kahit basic knowledge lang sa emergency training, kapag ginamit nang wasto at tamang oras, ay sapat na para makaligtas ng buhay.
Wala sa isip ni Untalan na siya ay magiging bayani noong Sabado, Hunyo 27, pero iyon mismo ang nangyari nang mapansin niya ang dalawang batang walang malay matapos malunod sa isang beach resort.
Habang nagpapahinga sa kanilang cottage, walang pag-aalinlangan siyang tumakbo kasama ang kanyang tiyuhin para tumulong sa mga bata na nahila ng alon papunta sa malalim na bahagi ng dagat.
Doon lumabas ang basic life-saving skills ni Untalan sa CPR, na natutuhan niya sa isang seminar sa Inter-Global College, isang paaralan para maging Marino, at agad niyang isinagawa ang life-saving technique na nagbalik ng hininga sa dalawang menor de edad bago sila dalhin sa ospital.
“Sobrang naawa ako dahil masama na ang kalagayan nila at wala na silang malay,” pag-aalala ni Untalan, na ikinuwento ang sandaling halos naubos na ang oras para sa mga bata.
(NILOU DEL CARMEN)
90 