Kapag nabigong protektahan mga bata SOCMED PLATFORMS PLANONG PAGMULTAHIN NG HANGGANG P50-M

ISINUSULONG nina House Speaker Faustino Dy III at Majority Leader Ferdinand Sandro Marcos ang panukalang magpapataw ng hanggang P50 milyong multa sa mga social media platform na mabibigong protektahan ang mga menor de edad.

Sa ilalim ng House Bill No. 9965 o Children’s Social Media Safety Act, magiging mandatory ang age verification, parental controls, at iba pang child online safety standards.

Binibigyan din ng panukala ang pamahalaan ng kapangyarihang limitahan o tuluyang ipagbawal ang operasyon ng mga social media platform na lalabag sa batas.

Layunin ng panukala na magkaroon ng kauna-unahang komprehensibong regulatory framework para sa ligtas at age-appropriate na paggamit ng social media ng mga bata, kabilang ang mas mahigpit na pananagutan ng mga platform, gabay ng mga magulang, at pagpapalawak ng digital literacy.

Ayon sa mga may-akda ng panukala, maraming pag-aaral ang nag-uugnay sa labis na paggamit ng social media sa anxiety, depression, mababang self-esteem, sleep disruption, cyberbullying, at iba pang negatibong epekto sa kabataan. Binalaan din nila ang publiko sa panganib ng AI-generated at AI-altered content.

Sa ilalim ng panukala, mahigpit na ipagbabawal sa mga batang 12-anyos pababa ang paglikha o paggamit ng social media accounts. Inaatasan ang mga platform na magpatupad ng maaasahang age verification at agad na i-disable ang mga ipinagbabawal na account.

Para naman sa mga edad 13 hanggang bago mag-18, kinakailangan ang beripikadong pahintulot ng magulang o legal guardian bago makagamit ng social media. Dapat ding bigyan ng mga platform ang mga magulang ng tools para mabantayan ang online activity, privacy settings, at screen time ng kanilang mga anak.

Ipinagbabawal din ang hindi kinakailangang pangongolekta ng biometric at iba pang sensitibong personal data ng mga menor de edad, gayundin ang paggamit ng mga algorithm na nagtutulak sa mga bata sa mapanganib o mapanlinlang na content.

Magmumulta ng P5 milyon hanggang P10 milyon ang mga platform na mabibigong isara ang mga ipinagbabawal na account, habang P20 milyon hanggang P50 milyon naman ang ipapataw sa mga lalabag sa pangunahing safety standards ng batas.

Inaatasan din ang mga local government unit (LGU) na magtatag ng community-based recreational programs at device-free spaces upang mahikayat ang mga kabataan na magkaroon ng mas maraming offline activities.

(TINA MENDOZA)

73

Related posts

Leave a Comment