UMAPELA ang Malacañang sa liderato ng Iglesia ni Cristo (INC) na manatiling mapagbantay laban sa mga grupong maaaring samantalahin ang nagpapatuloy na mga kilos-protesta upang umano’y maghasik ng destabilization laban sa pamahalaan.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, seryosong tinitingnan ng mga awtoridad ang mga kumakalat na ulat sa social media tungkol sa umano’y planong lusubin ang ilang tanggapan ng gobyerno, kabilang ang Malacañang, bagama’t hindi pa ito nabeberipika.
Nilinaw naman ni Castro na hindi naniniwala ang Palasyo na ang INC ang nasa likod ng anumang tangkang destabilization.
“Hindi namin paniniwalaan na miyembro ng INC ang siyang gagawa nito dahil ginagalang natin ang integridad at liderato ng INC. Hindi naman siguro ang purpose ng kanilang protesta ay mag-destabilize,” ani Castro.
Dahil dito, hiniling ng Malacañang sa pamunuan ng INC na maging maingat upang hindi umano magamit ng mga grupong may layuning patalsikin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Kaya nga po ang pakiusap natin sa liderato ng INC, maging maingat din po sila at baka sila ay magamit ng ibang mga tao na ang naisin ay patalsikin ang Pangulo,” dagdag niya.
Ayon pa kay Castro, batid ng pamahalaan na may ilang grupo nang matagal na umanong nananawagang mapatalsik sa puwesto ang Pangulo, ngunit tiniyak niyang nakahanda ang gobyerno na hadlangan ang anomang tangkang destabilization.
“Ito po’y nakarating na at kung ito man ay isang tsismis o pananakot, hindi naman po ito isasabale-wala ng ating mga awtoridad,” aniya.
Binigyang-diin din ng Palace official na iginagalang ng Malacañang ang layunin ng INC sa pagsusulong ng transparency at accountability, kasabay ng pagpapahayag ng suporta nito kay Sen. Rodante Marcoleta.
Aniya, kaisa rin ng INC ang administrasyon sa layuning palakasin ang transparency at accountability sa pamahalaan.
Kasabay nito, tiniyak ni Castro na patuloy na igagalang ng administrasyon ang karapatan ng mga mamamayan sa mapayapang pagtitipon.
“Huwag lamang po silang lalabag sa batas. At ang PNP po ay nagpapatupad ng maximum tolerance, kaya huwag din sana nilang i-provoke ang ating mga kapulisan,” pagtatapos ni Castro.
(CHRISTIAN DALE)
50 