GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
HINDI lahat ng sugat ay nakikita. May mga sugat na walang pasa o dugo, ngunit nananatili sa isip ng isang tao sa loob ng mahabang panahon. Ito ang unang pumasok sa isip ko nang mapanood ko ang kumalat na bidyo ng isang estudyante ng San Bartolome High School na umano’y nakaranas ng bullying habang pauwi. Makikita ang batang may pulang bag habang sinusundan, pino-provoke, at tinatawag ng masasamang pangalan ng ilang kapwa estudyante. Isang ordinaryong pag-uwi mula sa paaralan ang nauwi sa isang eksenang hindi dapat maranasan ng kahit sino.
Habang pinanonood ko ang naturang bidyo, iisa ang tanong na paulit-ulit na sumasagi sa isip ko. Hanggang saan ba ang kayang tiisin ng isang tao bago siya tuluyang masaktan?
Hindi natin narinig ang buong kuwento, ngunit sapat na ang mga larawang nakita upang malaman na may isang batang inilagay sa isang sitwasyong nakapagpapahiya. Mas mabigat pa rito ang isipin na may mga taong nakikitawa na lamang sa halip na sumita o tumulong.
Dito ko naalala kung gaano kadaling gawing biro ang katawan ng isang tao. Isang salitang tulad ng “mataba” ang kadalasang ibinabato na para bang wala lamang itong epekto.
Para sa akin, hindi ito nakatatawa. Kapag ginagamit ang pisikal na anyo upang manghamak o magpababa ng tingin sa kapwa, body shaming na iyon. Hindi natin alam ang dahilan ng kanilang pangangatawan. Maaaring may kondisyon sa kalusugan, may iniindang suliranin, o sadyang ganoon lamang talaga ang kanilang katawan. Anoman ang dahilan, hindi ito lisensya upang alipustain sila.
May mga nagsasabing bahagi lamang ito ng asaran. Hindi ako sang-ayon. Ang totoong biro ay pinagtatawanan ng lahat, kabilang ang taong pinatutungkulan. Kapag isa lang ang nasasaktan habang ang iba ay natutuwa, hindi na iyon biro—pang-aapi na iyon. Hindi rin maaaring ikubli sa likod ng kalayaan sa pagsasalita ang mga pananalitang malinaw na nakasasakit. Ang bawat karapatan ay may kasamang pananagutan.
Nakalulungkot din na sa halip na awatin ang pangungutya, may mga taong mas pinipiling makitawa o manood lamang. Minsan, sapat na ang pananahimik upang maramdaman ng biktima na wala siyang kakampi. Hindi kailangang maging bayani upang makatulong. Ang simpleng pagsaway, pagdamay, o pagtawag sa isang guro o nakatatanda ay maaari nang gumawa ng malaking pagkakaiba. Sa ganitong mga pagkakataon, ang malasakit ay mas mahalaga kaysa pakikisabay sa karamihan.
Bilang isang estudyante, naniniwala akong nagsisimula ang tunay na paggalang sa maliliit na bagay. Hindi natin kailangang maging magkaibigan upang tratuhin ang isa’t isa nang may dignidad. Kung may puna man tayo sa ibang tao, hindi ito kailangang sabihin sa paraang nakahihiya o nakasasakit. Mas madaling maging mabait kaysa maging dahilan ng pagluha ng iba, at walang sinomang nagiging mas mahusay na tao sa pamamagitan ng pagpapababa sa kapwa.
Mas lumalala ang ganitong pag-uugali dahil sa social media. Ilang segundo lamang ang kailangan upang kumalat ang isang bidyo, ngunit maaaring abutin ng maraming taon bago tuluyang makalimutan ng biktima ang kahihiyang kanyang naranasan. Hindi man lahat ng mapanirang komento ay nauuwi sa kaso, may mga umiiral na batas na maaaring umiral depende sa sitwasyon. Kabilang dito ang Republic Act No. 10627 o Anti-Bullying Act para sa paulit-ulit na bullying sa paaralan at Republic Act No. 10175 para sa ilang paglabag na ginagawa sa internet. Paalala ang mga ito na may hangganan ang ating kilos at pananalita.
Hindi ko tinitingnan ang kumalat na bidyo bilang isa lamang usapin na mabilis ding lilipas.
Nakikita ko ito bilang paalala na may mga kabataang ang pinakamabigat na dala sa pag-uwi ay hindi ang kanilang bag kundi ang sakit na iniwan ng mga salitang ibinato sa kanila.
Sana ay dumating ang panahong mas mabilis tayong magbigay ng paggalang kaysa pangungutya, mas handang umunawa kaysa manghusga. Sapagkat sa huli, hindi ang timbang o panlabas na anyo ang tunay na sukatan ng isang tao, kundi ang paraan ng kanyang pagtrato sa kapwa.
98 