NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga miyembro ng Philippine Air Force (PAF) na manatiling tapat sa kanilang mandato na ipagtanggol ang Konstitusyon, sambayanan, at mga demokratikong institusyon ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng 79th founding anniversary ng PAF sa Villamor Air Base sa Pasay City, hinikayat ng Pangulo ang mga sundalo na panatilihin ang mataas na antas ng propesyonalismo, disiplina at integridad sa gitna ng lumalawak na hamon sa seguridad.
“As your Commander-in-Chief, I encourage you to continue upholding the highest standards of professionalism, discipline, and integrity,” ani Pangulong Marcos.
“Above all, remain faithful to your constitutional duty to protect our people and defend the democratic institutions that safeguard our freedoms,” dagdag pa niya.
Ang pahayag ng Pangulo ay kasunod ng nagpapatuloy na mass protest ng libu-libong miyembro ng Iglesia ni Cristo sa ilang bahagi ng EDSA.
Nagbigay-pugay rin ang Pangulo sa malaking pagbabago ng PAF mula nang maging hiwalay na major service ng Armed Forces of the Philippines noong 1947.
Ayon sa Pangulo, nakapagtala ang PAF ng halos 50,000 flying hours sa nakalipas na taon para sa internal at external defense missions, pilot training, maintenance, disaster response, troop deployment, at inter-island operations.
Pinuri rin niya ang patuloy na air patrols at surveillance operations ng PAF na nagpapalakas sa maritime domain awareness at pagtatanggol sa soberanya ng bansa.
Muling tiniyak ni Pangulong Marcos ang pagpapatuloy ng military modernization sa pamamagitan ng pagbili ng mga bagong helicopter, aircraft, at surveillance radar systems.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng intelligence training, advanced flight simulation, joint military exercises, at mga programa para sa mental health at kapakanan ng mga sundalo.
Inatasan din niya ang PAF na tiyakin ang airworthiness ng lahat ng kanilang aircraft at mahigpit na ipatupad ang safety protocols sa lahat ng misyon at training.
Tiniyak ng Pangulo ang patuloy na suporta ng administrasyon upang magampanan ng Philippine Air Force ang mandato nito nang may karangalan at kahusayan.
(CHRISTIAN DALE)
50 