TINAWAG ng Malacañang na isang “obstructionist” si Senador Imee Marcos matapos nitong batikusin ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa EDSA-White Plains.
Sa press briefing, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na gumagamit umano ang senadora ng mga walang basehang pahayag at fake news upang siraan ang pamahalaan.
“Napanood po natin mismo ang talumpati ni Senator Imee Marcos. Pero mas nakakaawa ang mga taong pumalakpak dahil malamang hindi nila alam na ang mga sinasabi niya ay mga kuwentong walang basehan,” ani Castro.
Ayon pa sa Palace official, nakapagtataka kung bakit ngayon lamang umano naging masigasig si Imee sa pagbatikos sa gobyerno gayong matagal na itong nasa serbisyo publiko.
Binanggit din ni Castro na nanahimik umano ang senadora noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kahit may mga isyung kinaharap noon ang pamahalaan.
Iginiit din ng Malacañang na mali ang pahayag ni Imee na walang naipagkakaloob na tulong ang gobyerno sa mga magsasaka at mangingisda.
Bilang patunay, binanggit ni Castro ang livelihood grants na ipinagkaloob sa mga mangingisda sa Pangasinan noong Hunyo 30, suporta sa mga magsasaka at mangingisda noong Abril 12, at food assistance program para sa mahigit 700 benepisyaryo sa Camiguin noong Hunyo.
Kinuwestiyon din ni Castro ang naging pahayag ni Imee hinggil sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Aniya, matagal nang may mga ulat tungkol sa mga ghost projects at flood control issues noong mga nakaraang administrasyon, ngunit wala umanong naging aksyon ang senadora noon.
“Ang nakakataka lamang, bakit noong panahon ni dating Pangulong Duterte ay nanahimik siya at ngayon lamang siya nag-iingay habang ang kaniyang kapatid na si Pangulong Marcos Jr. ay masigasig na mapanagot ang dapat mapanagot,” ani Castro.
Iginiit din ng Malacañang na malinaw umanong may bahid pulitika ang mga pahayag ng senadora.
Nauna rito, sinabi ni Imee Marcos sa INC rally na tila “tulog” at “lasing sa kapangyarihan” ang kasalukuyang pamahalaan. Kinuwestiyon din niya ang pagpunta ni Pangulong Marcos sa Canada at sinabing dapat unahin ng administrasyon ang mga suliranin sa bansa tulad ng mataas na presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.
Dumalo rin sa naturang pagtitipon si dating Senate President at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, na kalaunan ay humingi ng paumanhin sa mga naabala sa matinding trapik na dulot ng rally.
(CHRISTIAN DALE)
41 