CAYETANO MULING NANAWAGAN NG AGARANG AKSYON LABAN SA CHILD STUNTING

KASABAY ng pagsisimula ng Nutrition Month ngayong Hulyo, muling nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa pamahalaan na paigtingin ang mga hakbang laban sa child stunting.

Ang panawagan ay kasunod ng ulat ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) na tumaas sa 25.3% noong 2025 ang stunting rate ng mga batang limang taong gulang pababa mula sa 23.6% noong 2023.

Ito ang unang pagtaas ng child stunting sa nakalipas na isang dekada, na nangangahulugang isa sa bawat apat na batang Pilipino na edad limang taon pababa ay nakararanas ng stunting.

Ayon kay Cayetano, lalo lamang pinatutunayan ng naturang datos ang pangangailangang gawing prayoridad ng pamahalaan ang mga programang laban sa malnutrisyon.

“The best return of investment, peso to peso, is in anti-stunting… You can have free and quality education, scholarships, and the best computers, pero ‘pag stunted ang bata, mahirap nang mai-correct iyon,” ani Cayetano.

Ipinaliwanag ng senador na ang stunting ay dulot ng matagal na kakulangan sa tamang nutrisyon sa unang mga taon ng buhay ng bata at maaaring magdulot ng panghabambuhay na epekto sa pisikal at mental na pag-unlad nito.

Binigyang-diin din niya ang kanyang Senate Bill No. 416 o Anti-Stunting Action Plan (ASAP) Council Act, na naglalayong bumuo ng permanenteng konseho na mangangasiwa sa pagpapatupad ng mga nutrition program ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Ayon kay Cayetano, mahalagang tutukan ang unang 1,000 araw ng buhay ng bata upang maiwasan ang pangmatagalang epekto ng stunting.

“Marami sa stunted na bata ang magiging future Persons with Disabilities (PWDs). The more that we take care of the stunting now, the less we have to spend on interventions later on,” aniya.

Nanawagan din ang senador sa mga ahensya ng gobyerno na magsagawa ng pilot interventions sa mga lugar na may pinakamataas na kaso ng stunting, kabilang ang BARMM, Zamboanga Peninsula, Negros Island Region, at MIMAROPA.

“We need a specific intervention. Choose provinces na higher than 25 percent… and see if mapababa natin ang prevalence,” ani Cayetano.

55

Related posts

Leave a Comment