HANDA ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na ipatupad ang anomang warrant of arrest na ilalabas ng korte laban sa sinumang high-ranking government official.
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni CIDG-NCR Director PCol. John Guiagui na bahagi ng kanilang mandato ang pagpapatupad ng warrant of arrest, anuman ang posisyon ng taong nasasangkot.
Nang tanungin kung paano nila haharapin ang posibilidad na maglabas ng warrant of arrest laban kay Senador Rodante Marcoleta kaugnay ng inaasahang kasong plunder, sinabi ni Guiagui na mangangailangan ito ng masusing paghahanda hindi lamang ng CIDG kundi ng buong Philippine National Police (PNP).
Gayunman, nilinaw ng opisyal na wala pa silang natatanggap na anumang bagong warrant of arrest laban sa sinumang high-ranking individual.
Samantala, nagpapatuloy naman ang manhunt operations ng CIDG laban sa mga indibidwal na may umiiral nang warrant of arrest kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
(TOTO NABAJA)
36 