GOREBOX BURADO NA SA GOOGLE PLAY STORE AT STEAM SA PH – MALAKANYANG

TULUYAN nang inalis sa Google Play Store at Steam sa Pilipinas ang mobile at PC game na GoreBox, ayon sa Malakanyang.

Sinabi ng pamahalaan na bunga ito ng pakikipag-ugnayan ng gobyerno ng Pilipinas sa Google at sa mabilis na pagtugon ng mga digital platform sa kahilingan ng bansa.

Kinumpirma rin ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na hindi na maaaring i-download o laruin ng mga user sa Pilipinas ang GoreBox.

Ayon sa CICC, hindi na rin maa-access ang laro kahit ng mga gumagamit na nakapag-download nito bago pa ipatupad ang restriction.

Ikinatuwa naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang agarang aksyon ng Google at Steam.

“Una nang nagsabi ang Pangulo na tutol siya sa mga marahas na gaming apps lalo na sa murang edad ng mga kabataan,” ayon kay PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Ang GoreBox ay isang online sandbox game na kilala sa paggamit ng iba’t ibang armas at pagpapakita ng matitinding eksena ng karahasan.

Samantala, nakikipagtulungan na ang CICC sa Council for the Welfare of Children upang paigtingin ang pagbabantay sa mga online activities na may kaugnayan sa naturang laro.

(CHRISTIAN DALE)

53

Related posts

Leave a Comment