ESTUDYANTENG NAGLIGTAS SA 2 BATANG NALUNOD, BINIGYAN NG SCHOLARSHIP

ISANG kabayanihan ang hindi pinalampas na kilalanin ng isang paaralan sa Lucena City.

Ginawaran ng Inter Global College Foundation Inc. (IGCFI) ng full scholarship ang dating Marine transportation student nitong si Cadet Von Untalan bilang pagkilala sa kanyang katapangan matapos mailigtas ang dalawang batang muntik nang malunod sa baybayin ng Catanauan, Quezon.

Nauna nang naging laman ng balita ang insidente nang magsagawa si Von ng cardiopulmonary resuscitation o CPR sa isa sa mga batang nawalan ng malay matapos malunod.

Dahil sa mabilis niyang pagresponde at tamang kaalaman sa lifesaving procedures, naisalba ang buhay ng bata habang ligtas ding naiahon ang isa pa nitong kasama.

Sa pagbisita ni Von sa IGCFI kasama ang kanyang ama, sinabi niyang ang kanyang kaalaman sa pagligtas ng buhay ay natutunan niya sa Basic ROTC training sa ilalim nina Leon Futalan, Director of Discipline, at Captain Justito Sherwin Caleja ng Department of Maritime Education.

Bagama’t hindi pa siya sumasailalim sa pormal na Basic Training, napatunayan umano ng kanyang ginawa ang halaga ng disiplina at kasanayang itinuturo sa kanilang paaralan.

Bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan, ipinagkaloob ng IGCFI kay Von ang full scholarship, personal allowance, free on-campus accommodation at iba pang tulong para maipagpatuloy at masuportahan ang kanyang pag-aaral.

Ayon sa pamunuan ng paaralan, tatanggap din si Von ng Certificate of Recognition sa isang pormal na seremonya bilang pagpupugay sa kanyang ipinakitang tapang, malasakit, at kahandaang magsakripisyo para sa kapwa.

Mula sa isang kabataang agad kumilos upang sumagip ng buhay, si Cadet Von Untalan ngayon ay nagsisilbing inspirasyon na ang kabayanihan ay hindi nasusukat sa edad, kundi sa kahandaang tumulong sa oras ng pangangailangan.

(NILOU DEL CARMEN)

92

Related posts

Leave a Comment