IBINASURA ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang alok ng China na gawing common fishing ground ang Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal), at sinabing isa lamang itong publicity stunt.
Sa panayam sa V. Luna Medical Center, sinabi ni Teodoro na hindi dapat malinlang ang Pilipinas sa naturang alok dahil malinaw na nakasaad na sa 2016 Arbitral Award ang karapatan ng mga Pilipino sa lugar.
“Hindi tayo pinanganak kahapon,” ani Teodoro.
Ayon sa kalihim, walang saysay ang panukala ng China dahil kinikilala na ng arbitral ruling ang karapatan ng Pilipinas sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ).
“Yan ay karapatan under the arbitral award. So bakit siya mag-submit ng proposal? Nandiyan na ‘yan sa arbitral award.”
Kinuwestiyon din ni Teodoro kung bakit ngayon lamang inilabas ng China ang naturang alok at bakit idinaan pa ito sa publiko.
“PR ang gawa nun eh.”
Aniya, paulit-ulit na lumalabag ang China sa international law, hindi lamang laban sa Pilipinas kundi maging sa iba pang bansa tulad ng Japan at India.
“Ang dami nilang kabalbalan na ginagawa sa mga PR outlets nila… Bakit ka maniniwala?”
Dagdag pa ng kalihim, batay sa kanilang pag-aaral sa kasaysayan ng China, ginagamit umano ng bansa ang negosasyon upang pahabain lamang ang isang sigalot.
“Kung kaya nila sabihin na we can wait thousands of years, tayo rin kaya.”
Kasabay ng nalalapit na ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Award, nanawagan si Teodoro sa sambayanan na manatiling nagkakaisa sa pagtatanggol sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.
Aniya, ang arbitral award ay hindi lamang isang piraso ng papel kundi simbolo ng malawak na suporta ng international community sa posisyon ng Pilipinas.
(JESSE RUIZ)
40 