WALANG isinampang reklamo ang pamahalaan laban sa mga Filipino protester na umano’y nang-harass kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa panahon ng opisyal na pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Canada.
Sinabi ni Castro na iginagalang ng pamahalaan ang karapatan ng mga protester sa malayang pagpapahayag kaya’t hindi na ito nagsampa ng kaso.
“Wala kaming finile na complaint,” ani Castro sa isang panayam.
Inamin niyang nagulat siya sa asal ng ilang protesters ngunit pinili na lamang niyang ipagwalang-bahala ang insidente.
Ayon kay Castro, hindi niya alam na nag-viral na sa social media ang video kung saan maririnig ang pagmumura at mga personal na pag-atake laban sa kanya.
“Noong una, binalewala na lang namin. Sabi namin, siguro parte iyan. Kasi hindi ko naman alam na magba-viral siya,” aniya.
Bagama’t kinikilala niya ang karapatan ng mga ito na magpahayag ng kanilang saloobin, sinabi ni Castro na hindi katanggap-tanggap ang mga personal na pag-atake at ang pagnanais umano ng ilan na siya ay mamatay.
Dagdag pa niya, hindi aniya sumasalamin ang naturang asal sa tunay na ugali ng mga Pilipino at maaari pa itong makasira sa imahe ng bansa sa ibang bansa.
Sinabi rin ni Castro na wala siyang balak tukuyin ang pagkakakilanlan ng mga protesters at wala rin siyang impormasyon kung may haharap sa legal na kaso o deportasyon sa Canada.
Kung magkakaroon man aniya ng anumang legal na usapin, Department of Foreign Affairs (DFA) na ang bahala rito.
(CHRISTIAN DALE)
70 