AABOT sa 1,108 driver’s license ang binawi o sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) mula Oktubre 2025 bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga lumalabag sa batas-trapiko at naglalagay sa panganib sa kaligtasan ng publiko.
Ayon sa LTO, sa kabuuang bilang ay 618 lisensya ang binawi habang 490 naman ang sinuspinde simula nang maupo si LTO Chief Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II at sa kasalukuyang administrasyon ni Assistant Secretary Greg G. Pua-Lacanilao.
Batay sa datos ng Intelligence and Investigation Division ng ahensya, 102 motorista ang pinatawan ng dalawang taong suspensyon, habang 476 naman ang pinatawan ng dalawang taong revocation. May ilan ding pinatawan ng isang taong revocation at ang iba ay apat na taong revocation.
Sinabi ni Lacanilao na hindi lamang nakatuon ang kampanya ng LTO sa dami ng mga lisensyang binabawi o sinususpinde kundi sa pagpapalakas ng disiplina ng mga motorista.
“Ang pinakamahalagang sukatan ng aming kampanya ay hindi ang bilang ng mga lisensyang sinuspinde o binawi, kundi ang lumalaking bilang ng mga motoristang sumusunod sa batas.
Nananawagan kami sa lahat na magsanay ng disiplina, paggalang sa iba, at responsableng pagmamaneho sa bawat biyahe,” ani Lacanilao.
Idinagdag niya na magpapatuloy ang LTO sa pagmomonitor, pag-iimbestiga at pagdaraos ng mga pagdinig sa mga kasong may kaugnayan sa paglabag sa batas-trapiko upang mapanagot ang mga lumalabag.
“Ang aming layunin ay hindi lamang magpataw ng mga parusa kundi, higit na mahalaga, mapanatili ang disiplina sa ating mga kalsada at protektahan ang buhay ng lahat ng gumagamit nito.
Patuloy nating isabuhay ang responsableng pagmamaneho at mahigpit na sundin ang mga batas-trapiko para sa kaligtasan ng lahat,” dagdag ni Lacanilao.
(PAOLO SANTOS)
76 