LGUs, gov’t agencies nasa heightened alert ‘SUPER INDAY’ BAHAGYANG LUMAKAS

(JESSE RUIZ)

PATULOY ang paalala ng Office of Civil Defense sa publiko na mag-ingat at maghanda sa posibleng epekto ng Bagyong Inday na bahagyang lumakas habang papalapit sa kalupaan ng Pilipinas, ayon sa state weather bureau.

Batay sa inilabas na weather update ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, inaasahang palalakasin ng Super Typhoon Inday, na may international name na Bavi, ang southwest monsoon o Habagat.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang kahandaan at seguridad ng mga residenteng posibleng maapektuhan ng bagyo, itinaas na sa heightened alert status ng Department of the Interior and Local Government ang mga local government unit, partikular sa Hilagang Luzon at iba pang hazard-prone areas, kasunod ng pagpasok ng Super Typhoon Inday sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Inatasan ang mga lokal na pamahalaan na ihanda ang kanilang disaster response mechanisms at tiyaking handa ang mga komunidad na nasa mataas na antas ng panganib kung lalala ang sitwasyon.

Ayon sa DILG, kinakailangang maghanda at kumilos nang mas maaga upang maprotektahan ang mga residente.

Nauna nang nagtaas ng heightened alert ang National Disaster Risk Reduction and Management Council bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng bagyo.

Samantala, sinabi ng Department of Social Welfare and Development na nakahanda na rin ang ahensya na magbigay ng ayuda at iba pang kinakailangang tulong sa mga indibidwal at pamilyang posibleng maapektuhan.

Huling namataan ang mata ng bagyo sa silangan hanggang hilagang-silangan ng Hilagang Luzon habang kumikilos pakanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 185 kph malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 240 kph, habang may central pressure na 930 hPa.

Kabilang sa mga lugar na inaasahang makararanas ng malakas na pag-ulan dulot ng Habagat mula Huwebes ng gabi hanggang Biyernes ng gabi ang Batanes, Sultan Kudarat, Sarangani, Occidental Mindoro, Palawan, Antique at Negros Occidental.

Posible ring makaranas ng pag-ulan ang Zambales, Bataan, Metro Manila, Cavite, Batangas, Guimaras, Iloilo, Negros Oriental, Lanao del Norte at Lanao del Sur matapos pumasok sa PAR ang Super Typhoon Inday alas-3:00 ng madaling araw ng Miyerkules.

Nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, hilaga at gitnang Isabela, Apayao, silangang Kalinga, hilagang Aurora at hilaga at gitnang Catanduanes.

Maaaring maranasan sa mga lugar na ito ang malalakas na hangin sa loob ng susunod na 36 oras.

Bandang alas-4:00 ng umaga, huling namataan ang Inday sa layong 1,405 kilometro silangan ng Northern Luzon. Inaasahang hihina ito bilang isang typhoon pagsapit ng Huwebes at lalabas ng PAR sa Sabado, Hulyo 11.

Posible itong mag-landfall sa silangang bahagi ng China sa Linggo, Hulyo 12.

Bagama’t hindi inaasahang magla-landfall sa Pilipinas, maaari itong dumaan malapit sa Batanes sa Biyernes kung saan inaasahan ang malalakas na hangin at ulan. Posibleng umabot hanggang Signal No. 2 o Signal No. 3 ang pinakamataas na babala sa ilang lugar.

Nagbabala ang mga awtoridad sa posibilidad ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa na maaaring magdulot ng panganib sa buhay at ari-arian.

Pinapayuhan ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga update hinggil sa Super Typhoon Inday at Habagat at magsagawa ng kinakailangang paghahanda.

DOH: Code White Alert

Samantala, nagdeklara ng Code White Alert ang Department of Health (DOH) bilang paghahanda sa epekto ng Bagyong Inday sa bansa.

Simula kahapon nakaalerto na ang operations center, may sapat na tauhan upang agad makatugon sa mga maaapektuhang lugar.

Ayon sa DOH, patuloy ang pakikipag- ugnayan nila sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, mga lokal na pamahalaan at regional disaster units para sa mabilis na pagtugon at paghahatid ng medical services sa mga lugar na apektado ng masamang panahon.

Inihanda na rin ng kagawaran ang mga pangunahing pangangailangan gaya ng emergency medicines, medical supplies, hygiene kits, water purification, containers para sa malinis na tubig at iba pang kagamitan.

Naka-standby na rin ang mga response teams sakaling kailanganin na ideploy sa mga apektadong lugar.

(May dagdag na ulat si JULIET PACOT)

75

Related posts

Leave a Comment