MALINAW na ang umano’y pakikipagkasundo ni Vice President Sara Duterte sa isang hitman upang patayin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sakaling siya mismo ay mapatay ay maituturing na betrayal of public trust, isa sa mga konstitusyonal na batayan para sa impeachment, ayon kay House trial spokesperson Zia Alonto Adiong.
Ayon kay Adiong, bilang pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, si Vice President Sara Duterte ang dapat nagsusumbong sa mga awtoridad kung may ganitong uri ng banta at hindi siya mismo ang nakikipagnegosasyon sa isang hitman.
“The mere fact that she had that idea and made an understanding, an agreement with a person whose livelihood is sourced out from killing people, is already a betrayal of public trust. She is expected to uphold the law, she is expected to promote the rule of law that no one should take justice into their own hands,” ani Adiong.
Sinabi ni Adiong na layunin ng mga ebidensyang inihaharap ng prosekusyon sa Senate impeachment court na hindi lamang patunayan ang pagiging tunay ng mga naitalang banta ni VP Duterte kundi ipakita rin ang naging epekto ng mga ito sa buong bansa.
“I think it’s not only about establishing the veracity and the authenticity of these video clips, but more important is what the effect of the threats that she made against the President to the whole nation,” dagdag ni Adiong.
Samantala, sinabi ni Deputy Speaker Paolo Ortega V na ang grave threats ang may pinakamalakas na ebidensya laban kay VP Duterte.
Ang pahayag ni Ortega ay kasunod ng pagsisimula ng House prosecutors sa presentasyon ng ebidensya para sa Article IV ng impeachment complaint kung saan tumestigo si John Mark Calilung, Senior Agent ng National Bureau of Investigation.
Inauthenticate ni Calilung ang recording ng online media briefing ni VP Duterte noong Nobyembre 23, 2024 kung saan sinabi nitong may kinontrata siyang tao upang patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Inauthenticate rin niya ang mga opisyal na pahayag ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, National Security Council at iba pang ahensya ng gobyerno na tumugon sa naturang pahayag bilang seryosong usapin sa pambansang seguridad.
Mago-object Kung Walang Maisasagot
Inaasahan umanong tututulan ng panig ng depensa ang mga ebidensyang inihaharap ng prosekusyon kung wala itong direktang maipantatapat na sagot, ayon kay dating congressman Robert Ace Barbers, spokesperson at adviser ng House prosecution panel.
Gayunman, iginiit ni Barbers na dapat pa ring mabigyan ng pagkakataon ang Impeachment Court na makita at masuri ang lahat ng ebidensyang inihaharap laban kay Vice President Sara Duterte.
Ipinaliwanag ni Barbers na bahagi ng trial strategy ang paghahain ng objections, ngunit ang paulit-ulit na pagtutol sa ebidensya ay hindi maaaring maging kapalit ng isang malinaw at substantial na sagot.
“Kung wala silang sagot sa ebidensya na inilalatag ng prosecution, definitely they will object para hindi ito maipakita at masuri ng ating impeachment court,” ani Barbers.
Sa ikalawang araw ng Senate impeachment trial, ilang ulit umanong nag-object ang depensa habang inihaharap ng prosekusyon ang video evidence at testimonya kaugnay ng Article IV na may kinalaman sa mga banta ni VP Duterte.
Sinabi ni Barbers na dapat seryosohin ang usapin dahil may kinalaman ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa pambansang seguridad.
Naniniwala rin si Barbers na si Vice President Sara Duterte mismo ang dapat magpaliwanag kaugnay ng Article IV hinggil sa grave threats gayundin sa artikulong may kinalaman sa umano’y unexplained wealth.
(TINA MENDOZA)
71 