ORAL ARGUMENTS SA TAX, BANK RECORDS NI VPSD POSIBLE

POSIBLENG magtakda ng oral arguments ang Impeachment Court kaugnay ng kahilingan ng House Prosecution Panel na mag-isyu ng subpoena para sa tax at bank records ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Reginald Tongol, spokesperson ng Impeachment Court, natanggap ng korte ang kahilingan para sa subpoena sa tax documents ng Bise Presidente, gayundin ng kanyang asawa na si Mans Carpio, at ng 22 negosyo na may kaugnayan umano kay VP Duterte.

Natanggap din ng korte ang panibagong kahilingan ng prosekusyon para sa subpoena sa bank records ni VP Duterte mula kay Eli Remolona Jr., Chairman ng Anti-Money Laundering Council.

Binigyang-diin ni Tongol na batay sa kautusan ng korte noong Lunes, may limang araw ang defense team upang magsumite ng kanilang komento sa kahilingan ng prosekusyon.

Kung tututol ang depensa, magtatakda ang Impeachment Court ng oral arguments.

Ayon kay Tongol, hindi magtatagal ang oral arguments dahil tig-isang oras lamang ang ilalaan sa bawat panig upang ilahad ang kanilang mga argumento.

Kapareho rin aniya ng proseso ang susundin kung pormal na hihilingin ng prosekusyon na ipatawag si Duterte bilang hostile witness.

(DANG SAMSON-GARCIA)

70

Related posts

Leave a Comment