MAHIGPIT NA PAGSUNOD SA PATAKARAN SA VP SARA IMPEACHMENT TRIAL, IGINIIT NI CAYETANO

IGINIIT ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano ang mahigpit na pagsunod sa mga patakaran sa ikalawang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos niyang sitahin ang aniya’y “leading question” ng prosecution panel.

“I’ll be very particular when it comes to the rules and it’s not against any particular group… All of us want to expedite this, but let’s follow the rules,” pahayag ni Cayetano.

Sa pagdinig, iniharap ng House prosecution panel ang mga ebidensya kaugnay ng Article IV ng impeachment complaint na tumutukoy sa umano’y pagbabanta ni Vice President Duterte sa buhay nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez sa isang online press briefing noong Nobyembre 2024.

Sa pagtestigo ni National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division Agent John Mark Calilung, tinanong ito ng prosecution kung saan sa video sinabi ni Duterte na mayroon siyang inupahang tao upang patayin ang First Family.

Agad itong inalmahan ni Cayetano at iginiit na dapat munang ilahad ng testigo kung ano ang nakita nito sa video bago ito tanungin sa partikular na bahagi ng umano’y banta.

“The rules say you cannot allow leading questions, whether it’s from the judges, the presiding officer, or defense,” ani Cayetano.

Ipinaliwanag ng senador na dapat munang maitaguyod ang batayan ng testimonya bago magtanong ng partikular na detalye hinggil sa video.

Kinatigan naman ni Senate President at Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang obserbasyon ni Cayetano at inatasan ang prosecution na maglatag muna ng sapat na batayan bago tanungin ang testigo hinggil sa timestamp ng video.

Nauna ring iminungkahi ni Cayetano na panoorin ng impeachment court ang buong dalawang oras na recording ng press briefing ni Duterte sa halip na mga piling bahagi lamang nito.

Ayon sa senador, mahalagang makita ang buong konteksto upang maiwasan ang maling interpretasyon sa nilalaman ng video.

“I don’t want to really go home today believing one thing based on a two-minute clip and then come back next week to watch the two-hour clip,” ani niya.

Nilinaw naman ni Cayetano na layunin lamang ng kanyang mungkahi na mapabilis ang proseso ng paglilitis at hindi upang kwestiyunin ang hakbang ng prosecution panel.

Matapos ang ruling ni Escudero na maaaring iharap ng magkabilang panig ang kanilang ebidensya sa paraang nais nila, tinanggap ni Cayetano ang pasya at hinayaang magpatuloy ang pagdinig.

Nauna nang hinimok ni Cayetano ang impeachment court na manatiling patas, sumunod sa Konstitusyon at tiyakin ang due process sa paglilitis.

“Lord, do not allow us to obstruct justice,” bahagi ng panalangin ni Cayetano sa pagbubukas ng pagdinig.

83

Related posts

Leave a Comment