RAPIDO ni PATRICK TULFO
ILANG linggo na ang nakalipas nang lumapit sa aming programa ang ilang mga nabiktima umano ng S&G Travel and Tours.
Ayon sa reklamo, kumuha umano ng tour package sa S&G ang mga nagrereklamo, ilan sa mga ito ay mga OFW papuntang Hong Kong.
Pag-uwi ng OFW na complainant sa ‘Pinas para sa kanilang trip sa Hong Kong, dito na nila nalaman na hindi matutuloy ang kanilang lakad. Katuwiran ng agency, delay raw ng booking ang kanilang booking department. Malinaw na kapabayaan sa parte ng agency.
Noong una raw ay nangako ang agency na ire-refund ang kanilang P199,000 na ibinayad para sa kanilang tour. Pero tumagal na nang tumagal ay hindi na sila pinapansin ng nasabing ahensya.
Gusto lamang umano ng mga biktima na maibalik na lang ang kanilang pera.
Nang puntahan namin ang opisina ng S&G sa Makati City ay sarado naman ito.
Pagdating naman namin sa Makati City Business Permit and Licensing Office, dito namin nalaman na panglimang grupo na ang aming complainant na pumunta roon para magreklamo.
Nito lang July 1,2026, naglabas na ng sulat ang Makati BPLO upang pagpaliwanagin ang ahensya kung bakit hindi sila dapat tanggalan ng lisensya.
Madali namang kausap ang mga complainant at ang gusto lang ng mga ito ay maibalik ang kanilang pera. Kung makikipag-usap lang ang agency nang maayos sa mga biktima ay hindi na aabot sa proseso ng pagkansela ng kanilang lisensya
82 