TOTAL VAPE BAN IPINAUBAYA NG DOH SA KONGRESO

IPINAUBAYA ng Department of Health (DOH) sa Kongreso ang magiging desisyon kaugnay ng rekomendasyon nitong ipatupad ang total vape ban sa Pilipinas.

Sa isang video na inilabas ng DOH, ipinaliwanag ng ahensya na layunin ng panukala na maprotektahan ang kalusugan ng publiko, lalo na ng mga kabataan, laban sa masamang epekto ng vape.

Ayon sa DOH, ang secondhand vaping ay maaaring magdulot ng pneumonia, bronchitis, paglala ng hika, at mataas na nicotine absorption.

Dagdag pa ng ahensya, ang mga nalalanghap na kemikal mula sa vape ay maaaring maglaman ng carcinogens o mga sangkap na may kaugnayan sa kanser.

Sinabi rin ng DOH na mayroon nang naitalang kaso sa Pilipinas ng pagkamatay na iniuugnay sa E-cigarette or Vaping Use-Associated Lung Injury (EVALI).

Binigyang-diin din ng ahensya na mahigpit ang regulasyon o ganap na pagbabawal sa vape sa ilang bansa kabilang ang Singapore, Thailand, at Vietnam.

Umaasa naman ang DOH na isasaalang-alang ng Kongreso ang mga ebidensiyang pangkalusugan sa pagdedesisyon sa naturang panukala.

(JULIET PACOT)

90

Related posts

Leave a Comment