MAY intensyon, motibo at kakayahan si Vice President Sara Duterte upang maisakatuparan ang kanyang mga banta laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Louise Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ito ang sinabi ni NBI Regional Director Jeremy Lotoc sa kanyang pagharap sa impeachment trial bilang testigo ng House prosecution panel.
“The NBI, in its analysis, established the intent, motive, and capability of the Vice President to carry out the threats she mentioned,” ani Lotoc.
Si Lotoc ay dating hepe ng NBI Cybercrime Division noong 2024 na nangasiwa sa imbestigasyon sa mga pahayag ni Duterte at kasalukuyang nagsisilbing NBI Regional Director para sa MIMAROPA at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa pagtatanong ni House private prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan, sinabi ni Lotoc na mismong araw ng online press conference ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024 ay agad niyang iniutos kay NBI Senior Agent John Mark Calilung ang pagpreserba sa digital evidence, kabilang ang video ng livestream.
Matapos nito ay tinukoy ng NBI ang mga dumalo sa online briefing at sinuri ang mga pahayag ng Bise Presidente.
Ayon kay Lotoc, gumamit din ang mga imbestigador ng open-source investigation upang alamin kung mayroon pang katulad na mga pahayag si Duterte sa nakaraan.
Dito nila natuklasan ang press conference ng Office of the Vice President noong Oktubre 18, 2024 kung saan sinabi umano ng Bise Presidente na nais nitong pugutan ng ulo ang Pangulo.
National Security Issue
SINABI ni Lotoc na nakita rin ng NBI sa kanilang imbestigasyon ang naging pagkabahala ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa mga pahayag ni Duterte.
Kabilang dito ang National Security Council (NSC), Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Binasa ni Lotoc ang opisyal na pahayag ng NSC na nagsasabing itinuturing nitong seryoso ang lahat ng banta laban sa Pangulo at itinuturing itong usapin ng pambansang seguridad.
Idinagdag din ni Lotoc na ginamit mismo ng PNP ang salitang “assassin” o mamamatay-tao kaugnay sa umano’y taong kinontrata ng Bise Presidente.
Ayon sa PNP, ang anumang direkta o hindi direktang banta sa buhay ng Pangulo ay dapat tugunan nang may pinakamataas na antas ng kahandaan at pag-iingat.
Binanggit din sa korte ang naging pahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na nananatiling tapat ang militar sa Konstitusyon at sa chain of command.
Ipinagtanggol din ni Lotoc ang awtoridad ng NBI na magsagawa ng imbestigasyon sa mga pahayag ng Bise Presidente sa ilalim ng Republic Act No. 10867 o NBI Reorganization and Modernization Act.
Ayon kay Lotoc, may pangunahing hurisdiksyon ang NBI sa mga kasong may kaugnayan sa mga banta sa seguridad at pag-atake laban sa pinakamataas na opisyal ng bansa.
Nilinaw niya na kabilang sa mga opisyal na sakop ng naturang batas ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, Senate President, House Speaker at Chief Justice ng Korte Suprema.
Dahil ginawa rin umano ang banta sa pamamagitan ng internet, sinabi ni Lotoc na sakop din ito ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ang testimonya ni Lotoc ay bahagi ng pagpapatibay ng House prosecution panel sa Article IV ng impeachment complaint laban kay Vice President Duterte.
(TINA MENDOZA)
93 