INAASAHANG sasagutin ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag ang mga natitirang katanungan kaugnay ng Article IV ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House impeachment trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, si Matibag ang magiging huling testigo ng House prosecution panel para sa Article IV.
Sinabi ni Adiong na ipaliliwanag ni Matibag ang kabuuang preliminary investigation na isinagawa ng NBI bilang institusyon at sasagutin ang mga tanong na naiwan sa testimonya ng mga naunang testigo.
Nauna nang iniharap ng prosekusyon si NBI Senior Agent John Mark Calilung upang patunayan ang pagiging tunay ng mga audio recording na naglalaman ng umano’y mga pagbabanta ni Vice President Duterte at ang chain of custody ng digital evidence.
Sumunod namang tumestigo si NBI-BARMM Regional Director Atty. Jeremy Lotoc hinggil sa imbestigasyon ng Cybercrime Division at sa mga natuklasan nito kaugnay ng mga naitalang banta.
Ayon kay Adiong, inaasahang mabibigyang-linaw ni Matibag ang mga usaping hindi lubusang nasagot ng mga naunang testigo dahil limitado ang saklaw ng kanilang mga tungkulin.
Ang Article IV ng impeachment complaint ay tumutukoy sa umano’y pagbabanta ni Vice President Duterte laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez.
Nakatakdang humarap si Matibag sa impeachment court sa Martes, Hulyo 21.
(TINA MENDOZA)
110 