UMARANGKADA ang ikapitong araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng manifestation ni Senator-Judge Robinhood Padilla kaugnay ng reklamong isinampa laban sa kanya sa Office of the Ombudsman.
Nilinaw ni Padilla na taliwas sa pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, nakapagsumite siya ng counter-affidavit bilang tugon sa utos ng Ombudsman sa pamamagitan ng stamped mail.
Hiniling ni Padilla sa kanyang mga kapwa senator-judge na linawin sa publiko na wala siyang intensyong sirain ang integridad ng Senate Impeachment Court at iginiit na iginagalang niya ang Office of the Ombudsman kaya siya tumugon sa reklamo.
Gayunman, sinabi ni Senator-Judge Erwin Tulfo na hindi ang Impeachment Court ang tamang forum upang talakayin ang personal na usapin ng mga senador.
Ayon kay Tulfo, masasayang lamang ang oras ng paglilitis kung pag-uusapan ang mga isyung walang kaugnayan sa impeachment case laban kay Vice President Duterte.
Iminungkahi naman ni Senator-Judge Vicente “Tito” Sotto III na irefer na lamang ang usapin sa Senado bilang isang legislative body at huwag na itong dinggin sa impeachment court.
Sinagot din ni Sotto ang paulit-ulit na pahayag ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano na walang saysay ang pakikipagdebate sa legal na usapin sa isang hindi abogado.
Sinabi ni Sotto na bagama’t hindi siya abogado, mayroon siyang 29 na taong karanasan sa paggawa ng batas.
Kinatigan ni Senator-Judge Francis “Kiko” Pangilinan ang mosyon ni Sotto.
Sa naging ruling, ipinag-utos ni Senate President at Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na irefer ang usapin kaugnay ng kaso ni Padilla sa Senado bilang legislative body.
(DANG SAMSON-GARCIA)
105 