KINONDENA ni Senador Mark A. Villar ang pananaksak na ikinasawi ng isang Grade 9 student sa loob ng Las Piñas National High School at sinabing ipinapakita ng insidente ang pangangailangang higit pang palakasin ang kaligtasan at seguridad sa mga paaralan.
Ayon kay Villar, ang mga paaralan ay dapat manatiling lugar ng kaligtasan, pagkatuto at pag-asa, at hindi lugar kung saan nalalagay sa panganib ang buhay ng mga estudyante.
Nagpaabot din ang senador ng pakikiramay sa pamilya ng biktima at sinabing patuloy na nagbibigay ng tulong at suporta ang kanyang tanggapan sa naulilang pamilya.
Nanawagan si Villar sa mga kinauukulang lokal na pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno na magsagawa ng mabilis at masusing imbestigasyon upang matiyak ang pananagutan ng mga sangkot.
Hinimok din niya ang mga paaralan, magulang, guro at buong komunidad na magtulungan sa pagtataguyod ng kultura ng respeto, malasakit at mapayapang pagresolba ng alitan sa hanay ng mga kabataan.
Binigyang-diin ni Villar ang kahalagahan ng agarang pagpasa ng kanyang Senate Bill No. 2321 o Learning Institution’s Guaranteed Threat Avoidance and Safety (LIGTAS) Act, na naglalayong palakasin ang seguridad sa mga paaralan.
Kabilang sa mga panukala nito ang mas mataas na police visibility, koordinadong threat assessment, direktang emergency hotlines para sa pulisya, Bureau of Fire Protection at iba pang response units, agarang abiso sa mga magulang kapag may emergency, sapat na first-aid at emergency equipment, at pagkakaroon ng mga sinanay na medical personnel at security guards.
Itinatakda rin ng panukala ang estratehikong paglalagay ng CCTV cameras, security screening systems at komprehensibong school safety at security training para sa mga estudyante, guro at iba pang school personnel.
Ayon kay Villar, hindi na maibabalik ang buhay ng biktima ngunit dapat kumilos ang pamahalaan upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente at matiyak na ligtas ang bawat paaralan para sa mga kabataan.
(DANNY BACOLOD)
93 