MALACAÑANG PINALAGAN AKUSASYONG ‘SELECTIVE JUSTICE’ SA PIYANSA NI BONG REVILLA

ITINANGGI ng Malacañang ang alegasyon ng “selective justice” matapos payagan ng Sandiganbayan Third Division si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na makapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang paglaya sa kasong malversation.

Nahaharap si Revilla sa kasong malversation na may kaugnayan sa umano’y P92.8 milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang desisyon ay ginawa ng isang independent court at walang kinalaman ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“Ang pagdedesisyon po iyan, hindi po hawak ng Pangulo ang judiciary. Alam natin na may separation of powers,” ani Castro.

Itinanggi rin niya ang alegasyong binibigyan ng espesyal na pagtrato si Revilla dahil kaalyado umano ito ng administrasyon.

“Kung iyan talaga ay may katotohanan at sasabihin natin na may kamay ang Pangulo dito, hindi ba dapat hindi na lang siya sinampahan ng kaso? Pero siya iyong naunang sinampahan ng kaso,” ani Castro.

“So walang logic, it doesn’t follow na siya ang unang pakakawalan dahil kaalyado,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ni Castro na si Revilla lamang ang pinayagang magpiyansa at hindi ang iba pang akusado sa kaso.

“Tandaan po natin, hindi lamang po si dating Senador Bong Revilla ang akusado rito. Siya lamang po ang nabigyan ng pagkakataon na makapag-post ng bail for temporary liberty. Iyong iba pong sangkot ay hindi po na-grant ang petition for bail,” aniya.

Dagdag pa niya, hindi rin dapat kuwestiyunin ang naging trabaho ng Office of the Ombudsman at ng mga state prosecutor dahil lamang sa naging desisyon ng korte.

Samantala, pinayagan ng Sandiganbayan Third Division si Revilla na magpiyansa ng P1 milyon matapos nitong mapagpasyahan na nabigo ang prosekusyon na magpakita ng matibay na ebidensiya na malakas ang pagkakasala ng dating senador.

Nauna nang naghain si Revilla ng not guilty plea sa arraignment, gayundin ang kanyang mga kapwa-akusado.

(CHRISTIAN DALE)

68

Related posts

Leave a Comment