MALAKANYANG SUPORTADO ‘RESIGN APPEAL’ NI TEODORO

SUPORTADO ng Malacañang ang panawagan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa mga opisyal ng pamahalaan na panindigan ang posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang katapatan ng bawat Pilipino ay dapat nakatuon lamang sa bansa, anoman ang kanilang political affiliation.

Ayon kay Castro, walang nakikitang mali ang administrasyong Marcos sa pahayag ni Teodoro na dapat ikonsidera ng mga opisyal ng gobyerno ang pagbibitiw sa puwesto kung hindi nila kayang panindigan ang Philippine laws at national policy, kabilang ang posisyon ng bansa sa West Philippine Sea.

“Ang pinag-uusapan po natin dito ay mga Pilipino. Pilipino na ang dapat ang puso ay para sa Pilipinas lamang,” ani Castro.

Dagdag pa niya, “Hindi pinag-uusapan dito ang loyalty. Lahat tayong mga Pilipino, ang puso, ang paninindigan, at ang ipaglalaban ay ang bansang Pilipinas lamang.”

Ang pahayag ay kasunod ng pagbatikos ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte kay Teodoro dahil umano sa pagpapataw nito ng “loyalty test” at sa umano’y pagdemonized sa China kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Castro na nakababahala kung ang isang halal na opisyal ay kinukuwestiyon ang paninindigan ng Pilipinas sa soberanong karapatan nito.

“Lubhang kataka-taka, very alarming, para sa isang katulad niya na mambabatas na lubhang parang nagpapakita na ang kaniyang loyalty ay hindi solido sa Pilipinas,” ani Castro.

Binigyang-diin din niya na ang pagpapanatili ng maayos na ugnayan sa China sa larangan ng kalakalan, pamumuhunan at negosyo ay hindi dapat ikalito sa pagtatanggol ng Pilipinas sa sovereign rights nito sa West Philippine Sea.

Aniya, paulit-ulit nang binibigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi dapat maapektuhan ng political differences ang pagtatanggol sa pambansang interes.

(CHRISTIAN DALE)

73

Related posts

Leave a Comment